Humingi ng paumanhin si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima nitong Sabado, Hulyo 26, matapos niyang tirahin ang Korte Suprema kaugnay sa pagkakadismiss ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang unang pahayag, tinawag ni De Lima ang desisyon ng Korte Suprema na “ex-parte” at “one-sided,” aniya ay hindi raw nabigyan ng pagkakataon ang Kamara na makapagkomento sa usapin. Pero biglang kambyo ang dating senadora — aminadong hindi pa niya nababasa ang buong ruling bago maglabas ng matinding pahayag.
“I regret and most humbly apologize to the Supreme Court for characterizing the impeachment decision as ex-parte,” ani De Lima.
Dagdag pa niya, mali ang naging impormasyon sa kanya na naging basehan ng kanyang patutsada sa SC. Inamin niyang nabasa lamang niya ang aktwal na desisyon matapos na niyang banatan ito.
“There is no excuse for this mistake and I bear full responsibility,” diin pa ni De Lima.
Sa kanyang unang banat, umangal si De Lima na tila raw mas maraming due process ang mga traffic violator kaysa sa naibigay sa impeachment complaint. Pero agad niya ring binawi ang lahat nang mabasa na ang desisyon na nagsasabing isinama at kinonsidera ng SC ang panig ng Kamara.
Ang Korte Suprema ay nagdesisyong ibasura ang impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte dahil sa paglabag sa one-year ban rule. Isinumite kasi ang reklamo nang mas maaga sa pinapayagang panahon.
Kilala si De Lima sa pagiging kritikal sa kasalukuyang administrasyon, ngunit ngayon ay tila siya naman ang nabigyan ng leksyon sa pagiging mabilis maglabas ng pahayag kahit kulang sa impormasyon.
