Inirekomenda ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Department of Justice (DOJ) na isailalim sa preliminary investigation ang dating head coach ng Ateneo men’s basketball team na si Tab Baldwin at sampung (10) iba pa.
Ito ay para sa posibleng paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 kaugnay ng trahedyang ikinasawi ng mga student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa Aurora.
Sa isang press briefing kung saan inilatag ng CIDG ang kanilang mga natuklasan, binigyang-diin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nagbago na ang saklaw ng batas laban sa hazing.
“Ang Anti-Hazing Act ay revised na po ‘yan… Ang dati pong iniisip natin, ang hazing ay initiations lamang. Ngunit dito, ang team-building at training ay nag-cross over papunta sa hazing,” pahayag ni Remulla.
Ayon sa batas, ang hazing ay tumutukoy sa anumang kilos na nagdudulot ng pisikal o sikolohikal na pagdurusa, pinsala, o sugat sa isang recruit, aplikante, o miyembro ng organisasyon, kabilang ang sapilitang pag-eehersisyo (forced calisthenics) at pagkabilad sa panahon.
Sina Baterbonia at Adili ay nalunod matapos tangayin ng malalakas na alon habang nasa hanggang-baywang na tubig sa isang resort sa bayan ng Dipaculao.
Ipinalwanag ni DILG Undersecretary for Legal and Legislative Affairs Brian Mey Tomas na kumpleto ang tatlong elementong kinakailangan sa ilalim ng Anti-Hazing Act para madiin ang mga respondent.
Unang elemento rito ang pagkakaroon ng pisikal o sikolohikal na pagdurusa na ayon kay Tomas ay napakalinaw dahil nagbunga ang aktibidad sa pagkamatay ng dalawang indibidwal.
Pangalawa ang kondisyon para sa membership o pagpapatuloy sa grupo, kung saan ang ginawang team-building sa Aurora ay nagsilbing batayan kung sinong mga manlalaro ang mapapabilang sa pinal na listahang isusumite ni Baldwin sa UAAP Board.
Sa 20 manlalarong dumalo sa training camp, 17 lamang ang inaasahang makakapasok sa opisyal na roster ng koponan na nagpapatunay na bahagi ito ng proseso ng pagpili.
Pangatlo naman ang pagsasagawa ng pisikal na aktibidad na labag sa batas. Lumabas sa imbestigasyon ng CIDG na may sadyang intensyon na pahirapan ang mga manlalaro dahil ayon sa testimonya mismo ni Baldwin sa CIDG, pinili nila ang mga petsang Hunyo 7 hanggang 12 upang tumapat ito sa panahong mababa ang urong ng dagat o low tide.
Batay sa itinerary ng koponan, gigisingin ang mga manlalaro ng tunog ng sirena sa madaling-araw (alas-4:00 n.u.) para patakbuhin ng apat na kilometro. Sinusundan pa ito ng mabibigat na laro at mga parusa para sa mga matatalong manlalaro.
Isiniwalat din ni Sec. Remulla na noong taong 2016, nag-organisa na si Baldwin ng kaparehong aktibidad sa parehong lugar. Isang manlalaro ang nagpatunay sa CIDG na dalawa sa kanyang mga kakampi noon ang muntik nang malunod sa dagat dahil sa panic, at sinagip lang nina Baldwin at ng coaching staff.
“Fully aware siya (Baldwin) sa mga puwedeng mangyari doon sa Dipaculao. This tragedy could have been avoided,” dagdag ni Remulla.
Sa pinakabagong insidente, limang (5) manlalaro ang tahasang nagsabi kay Baldwin na hindi sila marunong lumangoy. Sa kabila nito, sa halip na kanselahin ang aktibidad sa dagat, binigyan lang sila ng dating coach ng impormasyon kung paano haharapin ang mga rip current o malalakas na agos ng tubig.
“Ang mahirap rito, paano mo tuturuan ang hindi marunong lumangoy na mag-handle ng rip current,” giit ng kalihim.
Dahil dito, inirerekomenda ng CIDG na magsagawa ang DOJ ng malalimang imbestigasyon at case build-up laban kay Baldwin at sa 10 iba pang indibidwal na napatunayang nagplano at nakibahagi sa naturang aktibidad. (RON TOLENTINO)
