Binuweltahan ng Malacañang si Vice President Sara Duterte matapos nitong sisisihin ang umano’y kakulangan sa “intelligence gathering” ng pamahalaan sa naganap na madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban kamakailan.
Sa isang opisyal na pahayag, tinawag ng Bise Presidente ang insidente na isang malaking “wakeup call” at binatikos ang administrasyong Marcos sa pagiging “reactive” o kumikilos lamang kapag may nasasaktan o namamatay nang mag-aaral.
Sa PCO Press Briefing nitong Martes, Hunyo 23, pinalagan ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro ang mga naging pahayag ng Bise Presidente.
Giit ni Castro, hindi nararapat ituring na mga terorista ang mga mag-aaral upang mangailangan pa ng operasyon ng pambansang intelligence network.
“Ibig sabihin estudyante dapat minonitor para sa intelligence gathering? Hindi sila mga terorista. Sila ay mga estudyanteng mukhang umanong gumon lang sa online gaming na marahas,” pahayag ni Castro sa ika-55 minuto ng briefing.
Ipinaliwanag ng Palasyo at ng Philippine National Police (PNP) na ang mga menor de edad na suspek ay hindi bahagi ng anumang lokal o dayuhang banta sa seguridad, kundi mga kabataang nalason ang kaisipan dahil sa pagkahumaling sa mararahas na internet communities at online games.
Hindi rin pinalampas ni Castro ang pagkakataon na ipaalala ang mga katulad na insidente na naganap sa ilalim ng termino ng ama ng Bise Presidente, si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang sa mga binanggit ng opisyal ang classroom shooting noong 2019 sa Masili National High School sa Laguna na kinasangkutan ng isang 15-anyos na grade 7 student, ang pambobomba sa Davao noong 2016, at ang pag-atake sa presidential security team sa parehong taon.
“Kung napakagaling niya magbigay ng suggestion, dapat ay tinuruan niya ang kanyang ama para ito ay na-prevent,” banat ni Castro. Hinamon din ng opisyal ang Bise Presidente na maglatag ng konkretong solusyon para sa kaligtasan ng mga paaralan sa halip na gamitin ang trahedya sa pamimintas at paninira.
