May 13, 2024

Sa Caloocan City… LALAKI NABURYONG, NAMARIL; 3 KAPITBAHAY PATAY

PATAY ang tatlong babae, kabilang ang 72-anyos na biyuda habang nasa kritikal naman na kalagayan ang asawa ng isa sa namatay matapos pagbabarilin ng kanilang kapitbahay sa Caloocan City, Miyerkules ng gabi.

Dead on the spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan ang mga biktimang si Lourma Orbe, 72, at kanyang manugang na si Angelica Orbe, 39, kapwa ng No 299 Gen. Luna St. Brgy. 10, habang dead on arrival naman sa Caloocan City Medical Center (CCMC) ang kanilang kapitbahay na si Mary Jane Abary, 48.

Ginagamot naman sa naturang pagamutan ang anak ni Lourma at asawa ni Angelica na si Christian Orbe, 38, sanhi rin ng tinamong mga tama ng bala sa katawan.

Hawak naman ng Caloocan City Police ang suspek na kinilala bilang si William Jaymee Sy, 46, ng No. 296 Gen. Luna st. Brgy. 10 na nahaharap ngayon sa kaukulang mga kaso.

Base sa nakarating na report kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, naganap ang insiente sa pagitan ng bandang alas-6:40 ng gabi hanggang 7:09 ng gabi sa Gen. Luna St., Corner  5th St., Brgy. 10.

Sa salaysay sa pulisya ng saksing si Shebo Orbe, 36, armado umano ang suspek ng mga baril at walang habas na pinagbabaril ang mga biktima na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong babae.

Mabilis namang rumesponde sa nasabing lugar ang mga pulis na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek at narekober  sa kanya ang isang 9mm pistol na may isang magazine at 23 bala, isang cal. 38 revolver na may anim na bala, 12 gauge shotgun na may walong bala, folding knife, cellphone, ammunition box at glock box para sa 9mm.

Ang suspek aminadong naburyong na daw kaya nagawa ang pamamaril.