Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Martes, Marso 3, 2026, na hindi pa magiging posible sa ngayon ang mass repatriation o malawakang pagpapauwi sa mga Pilipinong nasa Gitnang Silangan.
Ayon sa Pangulo, ang “no-fly zones” at ang patuloy na pag-atake sa mga paliparan ang pangunahing nakakahadlang sa planong paglilikas.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na aabot na sa 1,416 na Pilipino ang pormal na humiling na makauwi sa bansa. Kabilang dito ang 586 mula sa Dubai, 297 sa Israel, 270 sa Abu Dhabi, 231 sa Bahrain, 22 sa Jordan, at 10 sa Iran. Bagama’t handa ang pamahalaan, binigyang-diin ni Marcos na sadyang mapanganib ang sitwasyon sa ngayon para sa anumang civilian aircraft.
Ipinaliwanag ng Pangulo na ang sitwasyon ay “very fluid” o mabilis na nagbabago. Ang mga paliparan ay sarado at ang himpapawid ay idineklarang combat zone, kung saan tanging mga fighter jets, drones, at missiles lamang ang lumilipad. “Ito ngayon ang problema. Walang lumilipad na eroplano at ‘yung mga airport ay tinatamaan na,” anang Pangulo.
Nagbabala rin si Marcos na kahit ang paglikas sa pamamagitan ng lupa ay delikado sa ngayon dahil sa banta ng “misidentification” o pagkakamali ng mga naglalabanang panig na mapagkamalang banta ang anumang malalaking convoy ng mga sasakyan.
Dahil dito, ang kasalukuyang direktiba ng pamahalaan sa mga Pilipino sa apektadong lugar ay “shelter-in-place” o manatili muna sa loob ng mga ligtas na gusali at sumunod sa payo ng mga lokal na awtoridad.
Tiniyak naman ng Pangulo na 24/7 ang monitoring ng mga embahada at labor attachés para matiyak ang kalagayan ng mga Pinoy habang naghahanap ng ligtas na pagkakataon para sa repatriation.
Sa huli, nanawagan ang Pangulo para sa tigil-putukan at nakiusap sa mga Pilipino sa bansa na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng higit pang takot at kalituhan.
