Naglunsad ng imbestigasyon si Senador Win Gatchalian upang suriing mabuti ang planong paggastos ngayong taon ng makasaysayang pondong inilaan sa sektor ng edukasyon.
Kasunod ito ng paghahain ng Proposed Senate Resolution No. 299 na layong siyasatin ang mga plano at programa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagpapatupad ng 2026 General Appropriations Act.
Matatandaang naglaan ang 2026 national budget ng makasaysayang P1.3 trilyong pondo para sa sektor ng edukasyon na katumbas ng 4.4% ng Gross Domestic Product (GDP). Ito ang kauna-unahang pagkakataong nasunod ng bansa ang pamantayan ng UNESCO na maglaan ng 4% hanggang 6% ng GDP para sa sektor ng edukasyon.
“Kasunod ng paglalaan natin ng makasaysayang pondo para sa sektor ng edukasyon, susuriin din natin ang plano ng iba’t ibang mga ahensya upang tiyaking mapapakinabangan ito ng ating mga mag-aaral at mga guro,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Finance.
Dagdag pa ni Gatchalian, mahalagang matiyak na ang makasaysayang pondo para sa sektor ay tutugon sa krisis sa edukasyon at mag-aangat sa kakayahan ng mga mag-aaral.
