IPINAG-UTOS ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang isang malalimang imbestigasyon kaugnay ng mga ulat na tumatanggap umano ng VIP treatment ang mga Chinese national sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Occidental Mindoro.
Inatasan ni Catapang ang kanyang Deputy Director General for Administration, Asec. Al Perreras, na personal na mag-inspeksyon sa SPPF ngayong linggo.
Layunin nito na tiyakin ang transparency at pananagutan sa loob ng sistema ng koreksyon sa bansa.
Bagama’t ipinag-utos ang pagsisiyasat, naniniwala si Catapang na ang mga akusasyon ay bahagi lamang ng isang “well-orchestrated demolition job” na ang layon ay dumiwas ang kanyang reputasyon at harangin ang mga positibong repormang kasalukuyang ipinatutupad sa BuCor.
Tiwala ang hepe na ang kanyang mga nagawa at mga programa sa kawanihan ang magsisilbing depensa laban sa mga mapanirang ulat.
Samantala, mariing itinanggi ni SPPF Superintendent C/SSupt. Roger Boncales ang mga balitang mayroong “condotel” o luhong pasilidad sa loob ng bilangguan.
Ayon kay Boncales, na dating nanilbihan bilang Superintendent ng New Bilibid Prison, kung totoo mang may mga VIP accommodation sa SPPF ay natuklasan na niya ito agad sa kanyang pag-upo sa pwesto ilang linggo na ang nakalilipas.
Nilinaw ni Boncales na ang mga tinutukoy na istruktura ay mga “conjugal rooms” na nakalaan para sa pagbisita ng pamilya ng mga bilanggo—isang pamantayang pasilidad sa mga correctional facility at hindi itinuturing na luho.
Batay sa rekord, mayroong 13 conjugal rooms sa Central Prison at 21 naman sa Pasugui na kapwa nasa loob ng SPPF.
Nanatiling matatag ang pamunuan ng BuCor sa pagsasabing patuloy nilang babantayan ang integridad ng mga penal farm sa bansa laban sa anumang anyo ng korapsyon o paboritismo.
