May 20, 2024

Rapist na wanted sa Baguio, huli sa Valenzuela

NASAKOTE ng pulisya ang isang lalaki na wanted sa kaso ng panggagahasa sa Baguio City matapos makorner sa kanyang pinagtataguang lugar sa Valenzuela City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr. na nakatanggap ng impormasyon ang Warrant and Subpoena Section (WSS) hinggil sa pinagtataguang lugar sa lungsod ng akusadong si alyas “Joel”.

Alinsunod sa inilatag na agenda ng PNP Chief na “Aggressive and Honest Law Enforcement Operations”, kaagad nagsagawa ng joint manhunt operation kontra wanted persons ang pinagsamang mga tauhan ng WSS, Women’s and Childrens Protection Desk (WCPD) ng Valenzuela police at CIDG Baguio na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-3:00 ng madaling araw sa San Baraquel Homes, Gitna St., Brgy., Bignay.

Ayon kay Col. Destura, ang akusado ay dinakip sa bisa ng warrant na inisyu ni Presiding Judge Mia Joy C. Aollares-Cawed ng Regional Trial Court Branch IV ng Baguio City noong June 18, 2012, para sa kasong Rape.

Pansamantalang ipiniit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.