BUONG pagmamalaking naging host ang Quezon City sa kauna-unahang “QC Pride Talk: Everything You Need to Know About Queer Rights.”
Layunin ng aktibidad na ito na pagsama-samahin ang mga kilalang pinuno, tagapagtanggol ng karapatang-pantao, mga eksperto, at mga miyembro ng LGBTQIA+ community para sa isang serye ng makabuluhang diskurso at mga makukulay na kwento.
Naging tampok sa programa ang pagbabahagi ng kaalaman at pananaw mula sa mga natatanging tagapagsalita na kinabibilangan nina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Bataan 1st District Representative Geraldine Roman, at Akbayan Party-list Representative Percival Cendaña.
Kasama rin nilang nagbigay ng kanilang mga pananaw at kaalaman sina Red Spiegelman, Atty. Elen De Vibar Pasion, Jeff Cagandahan, at Dr. Rolando Cruz ng QC Epidemiology and Surveillance Division.
Tinalakay ng mga eksperto at opisyal ang mahahalagang isyu ukol sa queer rights, inclusion representations at pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Ang naturang hakbang ay bahagi pa rin ng patuloy na adbokasya ng Quezon City na isulong ang pagiging isang “gender-fair city” at protektahan ang karapatan ng bawat mamamayan laban sa diskriminasyon.
