May 18, 2024

Pulis patay sa karambola ng sasakyan sa Batangas

TAAL, BATANGAS – Patay sa aksidente ang isang pulis matapos sumalpok ang sinasakyan nitong motorsiklo sa mga nakahintong mga truck na una ng nagkabanggaan sa gitna ng National Highway sa Barangay Cawit ng nabanggit na bayan kagabi.

Kinilala ang nasawing pulis na si Police Staff Sargeant Mark Perez Cueto na nakatalaga sa San Nicolas Municipal Police Station.

Nabatid na dakong alas-9:45 ng gabi nang maganap ang insidente.

Bago ang insidente, nakahambalang sa kalsada ang dalawang trak na minamaneho nina George Dela Torre at Felix Cosico matapos magkasagian dahil sa madalim na kalsada.

Nang biglang sumulpot ang motorsiklo na Yamaha NMAX na sinasakyang ng pulis na si Cueto.

Sinubukan pa umano nilang bigyan ng babala ang biktima subalit hindi huminto kaya nasalpok nito ang truck na minamaneho ni Dela Torre.

Dahil sa lakas ng pagkakasalpok ay nagtamo matinding pinsala sa kanyang katawan ang pulis.

Naisugod pa sa Batangas Provincial Hospital sa Lemery, Batangas ang biktima para gamotin subalit idineklarang Dead on Arrival na ni Dra. Divina Grace Castro-Landicho.

Pinag-aaralan na ngayon kung maaring kasuhan ang mga driver ng truck na sangkot sa aksidente na ikinasawi ng biktima. (KOI HIPOLITO)