NAGULAT si Senador Francis “Kiko” Pangilinan nang madiskubre niyang walang inilaan na pondo para sa mahalagang agricultural survey na ginagamit upang matukoy ang dami ng mga inaangkat na pangunahing produktong pagkain tulad ng bigas at mais.
Sa pagdinig ng pinagsamang Senate committees on agriculture, ways and means, at finance nitong Miyerkules, inamin ng Philippine Statistics Authority (PSA) na walang pondong inilaan para sa Survey of Food Demand on Agricultural Commodities, na huling isinagawa pa noong 2015.
Ayon kay Marisol Fallarme, chief statistical specialist ng PSA, ipinapanukala nila ang muling pagsasagawa ng survey upang magkaroon ng updated data sa food demand, ngunit hindi ito nabigyan ng pondo.
“We proposed this activity but unfortunately, it was not given fund – the survey on food demand,” ani Fallarme.
Sa pagtatanong ni Pangilinan hinggil sa pinakahuling datos sa per capita consumption ng kamatis, ibinunyag ni Fallarme na wala pa silang bagong datos dahil hindi na nauulit ang survey.
Labis itong ikinagulat ng senador na nagtanong,
“Huh? Why is that? That is food, right?”
Ayon kay Fallarme, nagpanukala sila ng ₱200 milyon na pondo para sa 2026 budget ng PSA, ngunit hindi ito naaprubahan ng Department of Agriculture (DA).
“We have initial talks with the DA, but when we submitted the proposal, they could not fund the needed allocation,” paliwanag niya.
Layunin ng nasabing survey na makabuo ng datos sa per capita consumption ng mga pangunahing agricultural commodities gaya ng bigas, mais, at gulay, na ginagamit bilang batayan sa pagpapasya kung gaano karami ang dapat i-import ng bansa.
Ngunit dahil walang survey, sinabi ni Pangilinan na tila “haka-haka” lamang o hula ang nagiging basehan ng gobyerno sa pagtukoy ng volume ng importasyon.
“If you have no data, how can you determine what to import? What is the basis of import? A hunch?” tanong ng senador.
Sumang-ayon naman dito si Ernesto Ordoñez, chairperson ng Alyansa Agrikultura, na nagsabing kung walang malinaw na datos, ay “parang suntok sa hangin” ang mga programa at polisiya ng gobyerno pagdating sa agrikultura.
Ayon pa sa PSA, ang 2015 survey ay pinondohan noon ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS), na ngayon ay wala na matapos itong isailalim sa PSA sa bisa ng Republic Act No. 10625 o Philippine Statistics Act of 2013.
Matatandaang sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na bukas siya sa posibilidad na ibalik ang BAS, matapos amining “hindi kumpleto” ang kasalukuyang database ng DA, na nakaaapekto sa tamang pamamahala ng lokal na produksyon at demand ng pagkain.
