NASA mahigit 600 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center matapos tupukin ng apoy ang kanilang mga tirahan sa naganap sunog sa Malabon City, Miyerkules ng hapon.
Sa ulat ng Malabon Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas-4:49 ng hapon sa Banal na Krus St. Gov. Pascual Avenue, Sitio 6, Brgy. Catmon na kaagad kumalat ang apoy sa magkakadikit na mga kabahayan.
Dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy, kaagad itinaas sa Task Force Alpha ang sunog bandang alas-5:45 ng hapon na ibig sabihin ay kinakailangan na ang tulong ng mga bumbero mula sa mga kalapit na lungsod.
Nagresponde naman kaagad ang mahigit 40 trak ng bumbero mula sa karatig na mga lungsod sa Kamaynilaan at nagtulong-tulong bago tuluyang makontrol ang apoy dakong alas-9:47 ng gabi at tuluyang idineklarang fire out alas-12:00 na ng hating gabi.
Umabot naman sa 607 pamilya ang nawalan ng tirahan, 283 sa kanila ang nasa Catmon evacuation center, 159 ang nasa Acacia Elementary School, 50 sa Catmon Integrated School, at 15 sa Tonsuya Covered Court.
Tatlo naman ang kinailangang dalhin sa Tonsuya Super Health Center, kabilang ang isang rumespondeng bumbero na nakagat ng aso, ang isa na nagtamo ng malalim na sugat sa braso, habang nahirapan namang huminga ang isa pa.
Kaagad naman nagtalaga ng team ng City Social Welfare and Development Department (CSWDD) si Mayor Jeannie Sandoval sa mga evacuation center upang mabigyan ng pagkain at pangunahing pangangailangan ang mga nasunugan, pati ng Mobile Laundry Unit na nakalaan sa mga biktima ng sakuna.
Wala namang nasawi sa insidente habang inaalam pa ng BFP arson investigators ang pinagmulan ng sunog at kung magkano ang halaga ng mga ari-arian ang tinupok ng apoy lalu’t karamihan sa mga nasunugan ay walang naisalbang mga gamit. (JUVY LUCERO)
