Para sa mga batang nangangailangan ng dagdag na suporta sa pag-aaral at tamang paggabay sa buhay, may bagong pag-asa!
Ito’y matapos pormal na inilunsad ngayong Disyembre 16, 2025 ng Rizal Police Provincial Office (PPO) sa pangunguna ni Police Colonel Feloteo A. Gonzalgo, Provincial Director, ang Project “PHILEO” (Brotherly Love) na ginanap sa Rizal PPO Covered Court, Camp MGen Licerio I. Geronimo, Taytay, Rizal.
Layunin ng Project PHILEO na magbigay ng tulong, gabay, at suporta sa mga kapos na mag-aaral, partikular sa kanilang edukasyon, moral na paghubog, at pangkalahatang kapakanan. Isa rin itong tulay ng pagkakaisa ng iba’t ibang sektor para matulungan ang mga batang nangangailangan ng karagdagang atensyon at paggabay.
Bilang bahagi ng programa, isinagawa ang Ceremonial Signing of Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Rizal PPO, Department of Education–Rizal, Provincial Life Coaches/Pastors, Local Government Units, at ang Provincial Advisory Group for Police Transformation and Development bilang patunay ng kanilang matibay na pagtutulungan sa pagpapatupad ng mga proyektong tutugon sa pangangailangan ng kabataan.
Ayon sa MOA, magiging pundasyon ito para palakasin ang edukasyon, disiplina, at values formation ng mga bata sa lalawigan.
Dumalo rin bilang Guest of Honor si Dr. Doris DJ Estalilla, Schools Division Superintendent ng DepEd–Rizal, na nirepresenta ni Dr. Marlon S. Marquez, Education Program Supervisor ng Rizal kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng komunidad, simbahan, pamahalaan, at kapulisan para sa kinabukasan ng mga bata.
Sa pamamagitan ng Project PHILEO, muling pinagtitibay ng Rizal PPO at ng kanilang katuwang na ahensya na hindi lang kapayapaan at kaayusan ang layunin nila, kundi pati ang paglinang ng isang responsable, edukado, at makataong henerasyon. (Arnold Pajaron Jr)
