May 19, 2024

PDP-LABAN RALLY SA CALOOCAN ‘MUKHANG HAKOT’ – DUTERTE

Duda si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga taong dumalo sa campaign rally ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Caloocan City kamakalawa.

Inusisa ng Pangulo sa kanyang talumpati ang isang lokal na opisyal ng lungsod at tinanong kung saan galing ang mga tao.

“Ito bang nagpalakpak taga-saan itong mga `to? Mukhang hakot ito eh,” sabi ng Pangulo.

“Hindi hakot `to? Mukhang hakot. Sige daw palakpak daw kayo. Hakot nga,” dagdag nito.

Dumalo si Pangulong Duterte sa kampanya ng PDP bilang suporta sa 17 pambato nito sa Senado gayundin ang mga kandidato sa mga lokal na puwesto.