
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi pansamantala ang P20 kada kilong bigas na programa ng kanyang administrasyon, at malapit na itong mapalawak sa mas maraming pampublikong pamilihan sa buong bansa.
Sa kanyang pinakabagong vlog nitong Linggo, sinabi ni Marcos na ang programang ito, na kasalukuyang ipinatutupad sa pamamagitan ng Kadiwa ng Pangulo para sa mga sektor na higit na nangangailangan, ay bahagi ng mas malawak na kampanya para sa abot-kayang pagkain at pagpapalakas ng sektor ng agrikultura.
“P20 rice is here to stay. It is achievable, it is sustainable. Kaya abangan ninyo sa inyong mga palengke,” ani ng Pangulo.
Ang inisyatibong ito na tinawag na “Benteng Bigas Meron na! (BBM)” ay isa sa mga pangunahing pangako ni Marcos noong kampanya. Layunin nitong guminhawa ang buhay ng mga Pilipinong hirap sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain.
Sa ngayon, ang P20/kilo bigas ay ibinibenta sa mga senior citizen, solo parent, PWD, indigent families, at minimum wage earners. Target ng programa ang isang milyong benepisyaryo bago matapos ang taon.
Sa gitna ng panunumpa ng mga bagong halal na opisyal noong Hunyo 30, hinikayat ni Marcos ang mga lokal na opisyal na makipagtulungan sa national government.
“Tapos na po ang bahagi ng politika. Serbisyo publiko na ang haharapin ninyo ngayon,” ani Marcos.
“Malaki ang papel ng LGU sa paghahatid ng serbisyong tunay na nararamdaman ng taumbayan.”
Para naman sa mga nangangamba na maaapektuhan ang mga magsasaka dahil sa murang presyo ng bigas, nilinaw ni Marcos na may proteksyon na inilatag ang gobyerno.
Ayon sa Pangulo, inaatasan ang National Food Authority (NFA) na bumili ng palay mula sa mga magsasaka sa halagang PHP18/kilo para sa wet palay, at PHP19–23/kilo para sa dry palay.
“Kahit ano pa ang presyo ng bigas sa merkado, hindi bababa sa mga presyong ito ang bili ng NFA sa palay ng ating mga magsasaka,” diin ni Marcos.
Dagdag pa niya, patuloy ang pagtatayo ng mga rice processing facilities at mechanical dryers upang mapalakas ang kakayahan ng mga magsasaka na iproseso at itago ang kanilang ani, sa halip na ibenta agad sa mga trader sa murang halaga.
Muling iginiit ni Marcos na prayoridad pa rin ng kanyang administrasyon ang food security — mula sa produksyon, pagproseso, transportasyon, hanggang sa retail level.
Noong Miyerkules, pinangunahan ni Marcos ang paglulunsad ng programa sa Zapote Public Market sa Bacoor, Cavite. Ito na ang pinakamalawak na rollout ng P20/kilo rice program, na unang sinubukan sa Visayas noong Mayo.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), mahigit 105,000 pamilya na sa Luzon at Visayas ang nakinabang mula May 13 hanggang June 30, at 804,000 kilo ng bigas na ang naipamahagi.
Sa ngayon, mayroon nang 94 outlet sites sa iba’t ibang panig ng bansa — patunay, ayon sa Palasyo, na ang P20/kilong bigas ay hindi lamang pangako kundi konkretong aksyon.