
Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) nitong Linggo na sinuspinde ang lisensya ng 10 taxi at TNVS drivers na nahuling naniningil ng sobrang pamasahe at sangkot sa illegal contracting sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang mga drayber ay nasakote sa surprise operation noong Hunyo 25 sa NAIA. Ayon kay LTO Chief Atty. Vigor Mendoza II, may bisa na ang mga Show Cause Orders (SCOs) at epektibo na ang 90-araw na suspensyon ng kanilang lisensya.
“Wala silang trabaho sa loob ng 90 araw. Ito ay kapalit ng pananamantala nila sa ating mga kababayang commuter,” ani Mendoza.
Ipinahayag ni Mendoza na ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng ahensya na linisin ang imahe ng NAIA, na matagal nang inirereklamo dahil sa mga abusadong drayber, maging sa mga turista.
“Tuloy-tuloy ang operasyon natin sa lahat ng NAIA terminals dahil gusto nating maging discipline zone ang pangunahing paliparan ng bansa,” ani Mendoza.
Umani ng batikos online ang mga insidenteng ito matapos mag-viral ang reklamo ng pasaherong siningil ng P1,300 mula Terminal 2 hanggang Terminal 3 — na ilang minutong biyahe lang.
May isa pang kaso ng P5,000 singil mula Terminal 1 patungong Terminal 2. Isang motorcycle taxi pa ang iniimbestigahan matapos maningil ng P2,000 mula NAIA papuntang Cainta, Rizal.
Upang maiwasan ang pagkalat ng ganitong pananamantala, inatasan ni Mendoza ang regular na deployment ng LTO enforcement teams sa lahat ng terminals ng NAIA.
Samantala, nagbigay rin ng babala si Transportation Secretary Vince Dizon sa mga pampublikong drayber:
“Hindi tayo papayag sa ganitong klaseng pang-aabuso. Kung nagagawa ito sa mga kababayan natin, paano pa kaya sa mga dayuhang turista? Sira ito sa imahe ng bansa,” ani Mendoza.
Bukod sa suspensyon, ang mga nahuling drayber ay nahaharap sa kasong “improper person to operate a motor vehicle,” na may parusang permanenteng pagkakakansela ng lisensya.
Patuloy ang panawagan ng LTO sa publiko na ireport ang mga ganitong insidente upang masigurong ligtas, maayos, at makatarungan ang transportasyon sa bansa—lalo na sa pangunahing paliparan nito.