SWAK sa hoyo ang isang truck driver na wanted sa kaso ng pangmomolestiya sa isang menor-de-edad matapos madakip ng pulisya sa manhunt operation sa Valenzuela City.
Batay sa report, ikinasa ng mga tauhan ni Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento ang pagtugis sa akusadong 51-anyos na truck driver na kabilang sa mga Most Wanted Person ng Valenzuela CPS.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) na naispatan ang presensya ng akusado sa Brgy. Malinta ay agad Silang nagsagawa ng operation.
Dakong alas-7:00 ng gabi nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng SIS ang akusado na residente ng Brgy., Maysan sa kahabaan ng MacArthur Highway, Barangay Malinta.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang bitbitin siya ng mga tauhan ni Col. Talento sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 16, para sa dalawang bilang na kasong Acts of Lasciviousness in relation to Section 5(b) of R.A. 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) na may inirekomendang piyansa na P360,000.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela City Police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (JUVY LUCERO)
