SUGATAN ang isang lalaki matapos umanong makipagbarilan sa rumespondeng mga pulis habang nakatakas naman ang kanyang kasama sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan Police Acting Chief P/Col. Joey Goforth, humingi ng tulong ang mga tanod ng Brgy. 12 sa mga tauhan ng Sangandaan Police Sub-Station 4 hinggil sa isang kahina-hinalang grupo ng indibidwal na sakay ng isang e-bike.
Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ni Col. Goforth, kasama ang mga tanod saka tinugis ang mga suspek at pagdating sa Sinilyasi St., Brgy. 8 dakong alas-4:20 ng madaling araw ay naispatan nila ang dalawa na bumaba sa e-bike at nagtangkang tumakas.
Nang aarestuhin na sana ng isa sa mga pulis ang isa mga suspek ay bigla umano itong naglabas ng baril saka pinaputukan ang parak na mapalad na hindi tinamaan.
Gumanti naman ng putok ang parak at nasapul sa kanang braso ang 33-anyos na suspek na dahilan ng kanyang pagkakaaresto at nakumpiska sa kanya ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang misfired cartridges.
Matapos ang insidente, isinugod ang sugatang suspek sa Caloocan City Medical Center at kalaunan ay inilipat sa Jose Reyes Memorial Medical Center kung saan siya ginagamot habang patuloy namang tinutuigs ng pulisya ang kasama niyang nakatakas para maaresto.
Sinampahan na ng pulisya ang suspek ng kasong Attempted Homicide, Direct Assault, at paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (JUVY LUCERO)
