Ipinanawagan ni Education Secretary Sonny Angara na ilipat sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) ang responsibilidad sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, sa halip na sa Department of Public Works and Highways (DPWH), matapos matuklasan ang mahigit 1,000 kuwartong klase na hindi nagagamit dahil hindi natapos o substandard ang pagkakagawa.
Ayon kay Angara, nakababahala na ang ilan sa mga ipinagawang silid-aralan ng DPWH ay “bare” o walang kuryente at hindi magamit ng mga mag-aaral, sa gitna ng 165,000 classroom backlog ng bansa.
“Nakikita natin na hindi tapos ang proyekto. Hindi naman ghost project, pero hindi rin nagagamit dahil hindi kumpleto,” wika niya sa isang panayam sa radyo.
Iniutos na ng kalihim ang masusing audit sa lahat ng school building projects na hawak ng DPWH. Sa memorandum ni DepEd Assistant Secretary Aurelio Paulo Bartolome noong Setyembre 12, inatasan ang mga regional director, schools division superintendent at district supervisor na magsumite ng ulat ukol sa mga hindi tapos o depektibong silid-aralan.
Giit ni Angara, mas makabubuti kung LGUs ang mangangasiwa dahil mas malapit sila sa mga paaralan at mas madaling matitiyak ang kalidad at agarang pagtatapos ng proyekto. “Maraming LGU ang may kapasidad at pondo. Kung sila ang magpapatayo, bibilis at bababa ang gastos,” dagdag niya.
Batay sa datos, ang gastos sa bawat classroom ay nasa P2.5 milyon hanggang P3.7 milyon.
Sa kabila ng matinding kakulangan, nasa 4,000 silid-aralan lang ang kayang maitayo ng DepEd ngayong taon. Dahil dito, hiniling ng kalihim sa Kongreso na dagdagan ng P134.5 bilyon ang pondo sa 2026 bukod sa P928.52-bilyong nakalaan sa ahensiya.
Suportado ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) ang panukalang realignment ng budget mula flood control projects patungo sa edukasyon.
“Ang mga pangunahing pangangailangan ng sektor ay nasasakripisyo dahil sa maling prayoridad,” ayon kay COCOPEA chairperson Betty Cernol-McCann.
Bagama’t naniniwala si Angara na dapat may papel pa rin ang DPWH kung kinakailangan, binuo na ng DepEd ang plano para sa accreditation system na tutukoy kung aling LGUs ang may kapasidad at alin ang mangangailangan ng teknikal na tulong at co-financing.
“Simpe lang ang pangarap natin na bawat batang Pilipino ay dapat may ligtas at maayos na silid-aralan. Hindi agad-agad, pero kung sama-sama, mapapalapit tayo sa layuning iyon,” pagtatapos ni Angara.
