
Patuloy na nagbabanta ang Super Typhoon Nando (international name: Ragasa) matapos itong mag-landfall sa Panuitan Island, Calayan, Cagayan dakong alas-3 ng hapon ngayong Lunes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Alas-1 ng hapon, nakita ang mata ng bagyo sa coastal waters ng Babuyan Island, Calayan, Cagayan. Taglay nito ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 215 kph malapit sa gitna at bugso na 295 kph, dahilan upang manatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 5 sa Babuyan Islands na nagdudulot ng “extreme threat to life and property.”
Mga Lugar na Apektado
- TCWS No. 4 (118–184 kph): Katimugang bahagi ng Batanes (Basco, Mahatao, Ivana, Uyugan, Sabtang), hilagang bahagi ng Cagayan (Santa Ana, Claveria, Aparri, at iba pa), at hilagang bahagi ng Ilocos Norte (Pagudpud, Burgos, Bangui, Dumalneg, Adams).
- TCWS No. 3 (89–117 kph): Natitirang bahagi ng Batanes, gitnang Cagayan, hilaga at gitnang Apayao, at iba pang bayan sa Ilocos Norte.
- TCWS No. 2 (62–88 kph): Natitirang bahagi ng Cagayan, Isabela, Abra, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, hilagang Benguet, NE Nueva Vizcaya, Ilocos Sur, at hilagang La Union.
- TCWS No. 1 (39–61 kph): Quirino, nalalabing bahagi ng Nueva Vizcaya, Benguet, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, Pampanga, Zambales, at hilagang Quezon kabilang ang Polillo Islands.
Sa forecast track ng Pagasa, posibleng makalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Nando pagsapit ng Martes ng umaga.
Patuloy na pinaalalahanan ng Pagasa ang publiko na manatiling alerto, bantayan ang mga anunsiyo ukol sa storm surge, pagbaha, at pagguho ng lupa, at sumunod sa mga direktiba ng lokal na pamahalaan.
