KINUMPIRMA ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na 19 na government websites ang na-hack at na-deface nitong Setyembre 21, kasabay ng malawakang kilos-protesta laban sa korapsyon.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, apat sa mga ito ay websites ng national government agencies (NGAs) habang ang iba ay pagmamay-ari ng mga lokal na pamahalaan. “Wala pa kaming verified report of exfiltration. Ibig sabihin, wala pang personal na impormasyon na nawala,” ani Aguda sa press briefing sa Malacañang.
Kabilang sa mga naapektuhang NGAs ang Anti-Red Tape Authority (ARTA), Bureau of Customs (BOC), DICT mismo, at Department of Economy, Planning and Development (DEPDev). Agad namang naayos ang mga ito at itinuring ng kalihim na “inconsequential” dahil training modules at complaint platforms lang ang naapektuhan.
Nilinaw rin ng DICT na hindi naapektuhan ang eGov PH App, at ligtas pa rin ang lahat ng personal na impormasyon ng mga gumagamit nito. Ang tinamaan ay ang EComplaints system, isang third-party platform na hiwalay sa core infrastructure ng app.
Bukod sa defacement, nakapagtala rin ang DICT ng distributed denial-of-service (DDoS) attacks at mahigit 1.4 milyong bigong tangka ng pangha-hack laban sa mga government websites.
“Apat lang ang nakalusot, kaya saludo ako sa mga tauhan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), Cybersecurity Bureau, NCERT at law enforcement agencies,” ani Aguda.
Itinuturong sangkot ang kilalang grupong AnonymousPH, subalit itinanggi umano ito ng grupo. Gayunpaman, patuloy na iniimbestigahan ang insidente at may tinutukoy nang “person of interest” na nasa bansa.
Hindi pa ibinunyag ng kalihim ang pagkakakilanlan ng suspek habang nagpapatuloy ang operasyon ng mga awtoridad.
