MARIING kinondena ni dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang malawakang vandalism na sumira sa ilang pangunahing pampublikong lugar sa lungsod, na aniya’y insulto hindi lang sa lokal na pamahalaan kundi sa bawat Manileñong nagsisikap panatilihing malinis at maayos ang kabisera.
Mula Mehan Garden, Universidad de Manila, hanggang Liwasang Bonifacio sa Lawton, makikitang winasak at pininturahan ng spray paint ang mga pader at pasilidad. Tinawag ni Moreno ang mga gumawa nito na “mobsters” na wala umanong kinalaman sa lehitimong pagpapahayag o protesta.
“This is not freedom of expression—it is desecration,” ani Moreno.
“This is a direct affront not only to the City Government of Manila but also to every Batang Maynila who works hard to preserve the beauty and order of our city,” dagdag pa ng alkalde.
Binigyang-diin ng dating alkalde, na nakilala sa agresibong cleanup campaigns noong kanyang termino, na ang ganitong gawain ay sumisira sa pinaghirapan ng mga residente, manggagawa, at estudyanteng ipinagmamalaki ang pamana at kaayusan ng Maynila.
Nakatakdang magsagawa ng cleanup at restoration ang pamahalaang-lungsod sa mga naapektuhang lugar, habang tinututukan ng mga awtoridad ang CCTV footage upang kilalanin ang mga responsable.
Naganap ang insidente sa gitna ng tumitinding tensyon sa kabisera, kung saan mas dumarami ang kaso ng vandalism sa mga pampublikong pasilidad tuwing may malalaking pagtitipon at kilos-protesta.
