HANDANG humarap si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa anumang imbestigasyon kaugnay ng ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na nakatanggap siya ng milyun-milyong piso mula sa mga kontratista noong 2022 elections, ayon sa Malacañang nitong Lunes.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, tungkulin ng Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng imbestigasyon.
“Let the Comelec do its job. Investigate. The President is willing to be investigated,” pahayag ni Castro.
Bawal sa ilalim ng Omnibus Election Code ang pagtanggap ng donasyon mula sa mga kumpanyang may kontrata sa pamahalaan.
Nang tanungin kung magpapaliban si Marcos sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), na siya mismo ang bumuo para imbestigahan ang flood control anomalies, giit ni Castro:
“Matapang po ang Pangulo. Alam po niya ang kanyang ginagawa at kung ano man maaaring imbestigahan dito, hindi niya i-e-excuse ang sarili niya.”
Batay sa ulat ng PCIJ, nagbigay si tycoon Rodulfo D. Hilot Jr. ng Rudhil Construction & Enterprises Inc. ng ₱20 milyon kay Marcos, habang ₱1 milyon naman ang kontribusyon ng Cebu-based contractor na si Jonathan M. Quirante. Parehong kumpanyang ito umano ang nakakuha ng mas malalaking kontrata matapos ang eleksyon—kung saan si Quirante Construction ay nakaseguro ng halos ₱3 bilyon noong 2023.
Wala pang pahayag ang Comelec kung magsasagawa ito ng pormal na imbestigasyon.
