Mariing kinondena ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio ang hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa mga deliberasyon ng panukalang 2026 budget ng kanyang opisina, na tinawag niyang insulto hindi lang sa Kongreso kundi pati sa taumbayan.
“Kinokondena ko ang pambabastos ng Bise Presidente sa taumbayan,” ani Tinio, sabay batikos kay Duterte dahil sa paghingi ng mas malaking pondo ngunit hindi humarap upang ipagtanggol ito.
“Mas malaking budget pa nga ang hinihingi ngunit hindi man lamang humarap sa institusyong ito upang panindigan at ipaliwanag ang hinihininging budget,” dagdag niya.
Nais ng Office of the Vice President (OVP) ang P902.8-milyong budget para sa 2026, ngunit ayon kay Tinio, hihilingin niyang ibaba ito sa ₱198.8 milyon, na aniya’y sapat na para sa pasahod ng mga empleyado ng OVP.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang ilang mambabatas na ang patuloy na pagliban ng Pangalawang Pangulo ay nagpapahina sa pananagutan ng pamahalaan sa proseso ng pambansang budget.
Samantala, nasa Cebu si Vice President Duterte upang dalawin ang mga pamilyang naapektuhan ng 6.9-magnitude na lindol habang ginaganap ang deliberasyon sa Kamara.
