PINALAWIG ng Land Transportation Office (LTO) ang bisa ng accreditation ng mga driving school, instructors, medical clinic at mga doktor hanggang Oktubre 31, 2025 para sa mga lisensyang nakatakdang mag-expire mula Hulyo 2 hanggang Oktubre 15 ngayong taon.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II, ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng Department of Transportation (DOTr) sa pangunguna ni Acting Secretary Giovanni Z. Lopez upang mas mapabuti ang serbisyo publiko at suportahan ang pagpapatupad ng centralized accreditation system ng ahensya.
“The extension is implemented to ensure the continuous and unimpeded delivery of public services while supporting a seamless and efficient transition to the centralized accreditation system,” pahayag ni Asec. Mendoza.
Sa inilabas na memorandum ng LTO sa lahat ng regional offices at sa Central Accreditation Committee on Driving Schools and Medical Clinics (CAC-DSMC), nakasaad na mananatiling valid at aktibo ang lahat ng accreditation sa Land Transportation Management System (LTMS) sa panahon ng extension. Hindi rin ito awtomatikong made-deactivate basta’t makapagsusumite ng kumpleto at tamang renewal application ayon sa itinakdang proseso.
Binigyang-diin din ni Mendoza na lahat ng tanggapan at personnel ng LTO ay mahigpit na susunod sa nasabing kautusan para matiyak ang tuloy-tuloy at maayos na serbisyo sa publiko.
