Mariing binatikos ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima si Vice President Sara Duterte dahil sa sunod-sunod na hindi pagdalo sa deliberasyon ng kanyang opisina para sa 2026 national budget.
Ayon kay De Lima, ikatlong beses nang hindi sumipot si Duterte matapos ang nakaraang mga pagdinig noong Setyembre 30 at Oktubre 1.
“Let me say for the record, as the start of my manifestation, that this is very appalling… Enough is enough! Enough of her brattiness!” giit ng kongresista sa plenary session nitong Huwebes.
Dagdag pa niya, ang patuloy na pagliban ng Pangalawang Pangulo ay malinaw na “insulto at kawalang-respeto” sa Kamara at sa mismong Saligang Batas.
“Kung kaya niyang magpakita sa Senado para pumalakpak sa isang privilege speech, bakit hindi niya kayang ilaan ang oras niya para ipagtanggol ang sariling budget ng kanyang opisina?” aniya.
Dahil dito, iminungkahi ni De Lima na bawasan ang P903 milyong panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2026. Ipinunto niya na dapat manatili lamang ang pondo para sa MOOE at suweldo ng mga kawani, ngunit alisin ang operational budget ng OVP.
Samantala, nakahanay ring suportahan ng ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at Kabataan Rep. Renee Co ang panukalang bawasan ang pondo ng OVP dahil sa umano’y kawalan ng pananagutan ni Duterte.
