December 30, 2024

PAMAMAHAGI NG AYUDA ‘DI DAPAT MAGING ‘SUPER SPREADER EVENTS’ (Pulisya inalerto ni Eleazar)

PINAALALAHANAN ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang mga pulis sa National Capital Region Police Office o NCRPO na nakatalaga sa mga lugar kung saan ipamamahagi ang mga  ayuda sa Metro Manila na tiyaking hindi ito magiging daan para sa tinatawag na super spreader event.

Nagsimula na ang pamamahagi ng mga ayuda nitong araw ng  Miyerkules, Agosto 11, sa mga lokal na Pamahalaan  mula nang isailalim ito sa Enhanced Community Quarantine o ECQ.

 “Ang pangunahing bilin natin sa ating mga pulis ay siguraduhing hindi maging super spreader events itong pamamahagi ng ayuda sa ating mga kababayan. Alam naman natin na kailangan ng mga residente ang tulong ngayong ECQ kaya’t hindi malayong dagsain talaga ito,” ayon kay Eleazar.

 “Dito papasok ang ating kapulisan para siguraduhing nasusunod ang minimum public health safety standards at quarantine protocols lalo na ang social distancing at ang pagsusuot ng face masks at face shields,” dagdag pa niya.

Pinunto din niya ang nangyari nuong isang linggo kung saan ay dagsa ang mga lugar bakunahan sa Metro Manila kaya’t kinailangan iyong kanselahin dahil sa dami ng tao.

 “Hindi dapat mangyari sa cash aid distribution ang nangyari nitong nakaraang linggo sa iba’t-ibang vaccination centers kung saan dinumog ng mga tao,” aniya.

Sinabi pa ni PGen Eleazar na dapat alam ng mga pulis ang panahon at sistema sa pamamahagi ng ayuda sa kanilang mga nasasakupan.

 “Nakikipag-ugnayan din tayo sa mga LGU officials dahil sila ang mangunguna sa pagbibigay ng ayuda. Ang magiging papel ng kapulisan sa cash aid distribution ay ang magbigay ng seguridad at tiyaking  maayos ang proseso ng bigayan ng ayuda,” saad niya.

Ayon naman sa Department of the Interior and Local Government o DILG, halos karamihan sa mga Lokal na Pamahalaan ay mamamahagi ng ayuda sa mga natukoy nang lugar. Ipapaskil din ng mga Alkalde ang listahan ng mga benepisyaryo gayundin kung kailan nila maaaring makuha ang ayudang nakalaan para sa kanila. (KOI HIPOLITO)