
MANILA — Opisyal nang hinirang bilang pinuno ng Philippine National Police (PNP) si Gen. Nicolas Torre III nitong Lunes, kasabay ng paalala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanya hinggil sa mga hamong kinakaharap ng kapulisan tulad ng transnational crime, cyber threats, ekstremistang karahasan, at mga isyu ng maling pag-uugali ng mga pulis.
Si Gen. Torre, 55 taong gulang, ay nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) Tagapaglunsad Class ng 1993 at siya ang kauna-unahang PNPA alumnus mula sa Jolo, Sulu na naging PNP chief.
Sa kanyang panunumpa at talumpati, ipinakilala ni Torre ang tatlong haligi ng kanyang pamumuno na kinabibilangan ng mabilis at epektibong serbisyo publiko. Nangako siyang ipatutupad ang 3-minutong police response time sa mga pangunahing lungsod sa buong bansa—isang programang kanyang ipinatupad noong siya ang direktor ng Quezon City Police District.
“Makikita niyo kami sa lansangan, sa komunidad, sa palengke, at sa bawat lugar na kinakailangan ng aming presensya para magbigay ng kapanatagan ng kalooban,” ani Torre.
Ang iba pang haligi ng kanyang pamumuno ay ang pagpapatibay ng pagkakaisa at morale sa loob ng kapulisan, pati na ang pagpapalakas ng pananagutan at modernisasyon.
“Sa ilalim ng aking pamumuno, ang batas ay patas, ang serbisyo ay mabilis, at ang kapulisyahan ay karapat-dapat ng inyong tiwala,” wika niya.
Pinag-utos naman ni Pangulong Marcos kay Torre na palakasin ang presensya ng pulisya sa mga lansangan, palakasin ang kampanya kontra kriminalidad at droga, at panatilihin ang dangal at integridad ng kapulisan.
“Huwag dapat matakot ang estudyante, manggagawa, motorista, o magulang na maglakad sa kalsada, umaga man o gabi,” ayon sa Pangulo.
“Bilang mga alagad ng batas, inaasahan ang kapulisan na kumilos nang marangal, maglingkod ng tapat, at maging sandigan ng ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Nanguna si Torre sa mga high-profile na kaso tulad ng paghahanap at pag-aresto kay televangelist Apollo Quiboloy sa Davao City bago siya naging Chief ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Sa posisyong iyon, siya rin ang nagpatupad ng warrant of arrest laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Naglingkod din si Torre sa iba’t ibang lugar gaya ng Davao region, Western Samar, Batangas City, at Mabalacat. May malawak din siyang karanasan sa intelligence at field operations sa Central Luzon at Mimaropa. Nagsilbi rin siya bilang Civilian Police Officer sa United Nations Mission sa East Timor mula 2001 hanggang 2003.
Si Gen. Torre ay magsisilbi bilang PNP chief hanggang Marso 2027, bago niya maabot ang mandatory retirement age.
