
CAINTA, RIZAL — Sa pangunguna ni Mayor Kit Nieto, isinagawa ang isang malawakang paglilinis sa ilog at ilalim ng tulay sa Ortigas, kung saan matagal nang naninirahan ang mga squatters at ilang mga indibidwal na nagdudulot ng panganib at abala sa mga residente.
Ayon sa ulat, dumami na ang mga kubol sa lugar, na naging taguan umano ng mga snatchers sa junction at mga nagnanakaw ng mga kable ng kuryente para balatan ang tanso at ipagbili sa junk shop. Pinuntahan ni Mayor Nieto ang lugar at nagbigay ng tatlong araw na palugit sa mga nakatira doon upang lisanin ang lugar.
Matapos ang tatlong araw, bumalik ang cleanup team na may dala-dalang trak at mga tauhan para linisin ang lugar. Ilan sa mga residente ay nabigyan na ng lote sa housing project ng lokal na pamahalaan sa Balai Community. May ilan naman na pinasundo sa mga kamag-anak sa Marikina at Taytay, habang ang natitirang apat ay dinala sa shelter ng LGU para bigyan ng pagkakataong magdesisyon sa kanilang kinabukasan.
Sinabi ni Mayor Nieto na darating din ang grass cutters team upang tabasan ang mga damo at linisin ang mga naiwan pang kalat. May nakatalagang regular na magbabantay at mag-iikot sa lugar upang matiyak na hindi na muling babalik ang mga squatters.
Aniya rin, tatlo pang tulay sa bayan ang susunod na paglilinis sa mga susunod na araw.
Lubos ang pasasalamat ni Mayor Nieto sa Team Comanches ni Dollar Gacilo at sa Barangay Sto. Domingo sa kanilang tulong sa operasyon.
“Pirmis lang tayo, pero may galaw puso,” pahayag ng alkalde bilang panata sa kanilang kampanya para sa kaayusan at seguridad ng Cainta.
