
SAN JUAN CITY — Buo ang suporta ni San Juan City Mayor Francis Zamora sa hakbang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pansamantalang ipagpaliban ang nakatakdang rebuilding o pagsasaayos ng EDSA, habang pinag-aaralan pa ang mas mabilis, episyente, at hindi gaanong abalang mga alternatibong solusyon.
Ayon sa alkalde, ipinakita ni Pangulong Marcos ang pagiging bukas sa hinaing ng mga commuter at motorista sa Metro Manila. “Bagamat nangangailangan talaga ng rehabilitasyon ang EDSA, tama ang desisyon ng Pangulo na tiyakin munang hindi ito magiging dagdag pahirap sa mamamayan,” pahayag ni Zamora.
Ipinahayag din ng alkalde na handang makipagtulungan ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan sa anumang plano o hakbangin ng pambansang pamahalaan, lalo na pagdating sa traffic rerouting at alternatibong paraan ng pagsasaayos ng EDSA.
Bilang lungsod na direktang dinadaanan ng EDSA, sinabi ni Zamora na aktibo ang San Juan sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko. Kabilang sa mga hakbang ng lungsod ang regular na road clearing sa mga Mabuhay Lanes at ang pagbubukas kamakailan ng Greenhills–West Crame Connector Road, na nagbibigay ng mabilis na alternatibong ruta sa mga motorista.
“Ang proyektong ito ay hindi lamang nagpapaluwag ng trapiko sa San Juan kundi nakatutulong din sa pagpapagaan ng daloy ng sasakyan sa EDSA,” dagdag pa ng alkalde.
Nagpahayag rin siya ng kahandaang makipag-ugnayan sa DPWH, DOTr, MMDA, at iba pang ahensya habang isinasapinal pa ang mas komprehensibong plano para sa EDSA.
“Ang San Juan ay laging handang tumulong para sa kapakanan hindi lang ng aming mga residente kundi ng lahat ng Pilipinong araw-araw ay dumaraan sa EDSA,” ani Zamora na kasalukuyang Presidente ng Metro Manila Council at Chairman ng Regional Peace and Order Council para sa NCR.
