
Inihayag ni Finance Secretary Ralph G. Recto ang mataas na pagpupuri sa bagong aprubadong World Bank Group (WBG) Country Partnership Framework (CPF) para sa Pilipinas para sa taong 2026 hanggang 2031, na itinuturing niyang pinakamalapit na nakaayon sa development agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. para sa inclusive growth.
Ayon kay Recto, tiniyak ng bagong CPF na ang tulong ng World Bank ay nakatuon sa mga pangunahing prayoridad ng administrasyon ni Marcos, Jr. kabilang ang pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan, edukasyon, paglikha ng trabaho, digitalisasyon, at pagtatayo ng isang mas matatag at inklusibong ekonomiya.
“Patunay ang World Bank na isa silang maaasahang katuwang ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng pagtutok ng CPF sa bisyon ng Pangulo, sinisiguro nating ang mga pondo para sa pag-unlad ay matutugunan ang pinaka-makabuluhang pangangailangan at magdudulot ng tunay na epekto sa buhay ng bawat Pilipino. Kasama ang World Bank, mararamdaman ng bawat Pilipino ang benepisyo at ginhawa mula sa mga programa,” ani Recto.
Sinabi naman ni Manuela Ferro, World Bank Vice President para sa East Asia at Pacific, na ang CPF ay nakatuon upang makatulong sa Pilipinas na mapalakas ang paglikha ng trabaho para sa mga kabataan, mapatatag ang kakayahang tumugon sa mga krisis, mabawasan ang agwat ng kaunlaran sa iba’t ibang rehiyon, at mamuhunan sa edukasyon at kalusugan.
Ang CPF ay isang estratehikong plano na ginagabay ang pakikipag-ugnayan ng WBG sa mga bansang kasapi, na tinitiyak na ang suporta ay angkop at napapanahon sa mga benepisyaryo. Gumagamit ito ng country-driven at evidence-based na pamamaraan, na pinagtibay ng masusing pagsusuri sa mga hamon at oportunidad ng bansa.
Mas malawak at mas inklusibo ang bagong CPF kumpara sa naunang plano para sa 2019-2024, bunga ng konsultasyon sa mga pambansa at lokal na ahensya ng gobyerno, akademya, civil society, development partners, at pribadong sektor.
Layunin nitong mapabuti ang access ng mga Pilipino sa de-kalidad na edukasyon at kalusugan, na inaasahang makikinabang ang 19 milyong Pilipino sa serbisyong pangkalusugan at populasyon, habang 15 milyong estudyante naman ang matutulungan sa mas mahusay na edukasyon.
Bukod dito, target ng CPF ang paglikha o pagpapabuti ng 4 milyong trabaho, pagpapalawak ng broadband access para sa 19 milyong Pilipino, at pag-mobilisa ng USD 2 bilyong pribadong kapital. Inaasahan nitong madaragdagan ang mga produktibo at mataas ang kita na oportunidad para sa inclusive at sustainable na paglago.
Dahil sa kahinaan ng bansa sa mga natural na kalamidad at pagbabago ng klima, binibigyang-pansin din ng CPF ang pagpapatibay ng resilience ng mga komunidad. Tatangkilikin ng 12.5 milyong benepisyaryo ng social protection programs ang suporta, habang 13 milyong tao naman ang matutulungan sa pagharap sa mga epekto ng climate change.
Sa lahat ng prayoridad, pinapahalagahan ng CPF ang mas epektibo at mas maasahang pampublikong sektor. Sa pamamagitan ng digital transformation at mas matalinong serbisyo, layon nitong matulungan ang 20 milyong Pilipino na maka-access ng mga serbisyo ng gobyerno online upang maging mas accessible, accountable, at responsive ang mga institusyon.
Ang CPF ay pinagtutulungan ng International Bank for Reconstruction and Development (IBRD), International Finance Corporation (IFC), at Multilateral Investment Guarantee Agency (MIGA). Magbibigay ang WBG ng pinansyal at advisory services para maisakatuparan ang CPF, kabilang ang suporta ng IFC para makahikayat ng pribadong kapital, habang tutuklasin naman ng MIGA ang mga oportunidad para sa investment guarantees.
