Nabunyag ang isang umano’y ghost project na nagkakahalaga ng P96.5 milyon matapos inspeksyunin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa bayan ng Jose Abad Santos nitong Huwebes.
Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, ang flood control structure na idineklarang tapos noong 2022 at nabayaran nang buo sa Saint Timothy Construction Corp. na pagmamay-ari ng kontrobersyal na mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya, ay nananatiling hindi pa rin kumpleto.
Nabatid na na-release ang bayad noong Oktubre 2022. Ang naturang proyekto ay isa sa mga na-flag ng Sumbong sa Pangulo website at isinama sa listahan ng DPWH ng mga kuwestiyonableng imprastraktura.
Paliwanag ni Dizon, bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na busisiin ang mga ghost at substandard projects sa buong bansa. Kabilang ang Jose Abad Santos sa mga prayoridad na lugar para sa pagsusuri.
Kasama si ICI Special Adviser at Baguio City Mayor Benjamin Magalong, mismong kinompronta ni Dizon ang district engineer kung bakit napondohan at nabayaran ang proyekto kahit hindi pa tapos.
“You will not pay (for a project) if it’s not completed, right? But since this is not your money—this is the taxpayers’ money—you pay for it so your disbursement rate appears high. Is that your excuse?” aniya.
Patuloy na iniimbestigahan ng DPWH ang mga sangkot sa naturang anomalya. (MINA PADERNA)
