PINANGUNGUNAHAN ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste ang pagtutulak sa Kamara para matiyak na ganap na mapopondohan ang programang libreng kolehiyo sa ilalim ng Free Higher Education Act sa 2026 national budget.
Sa Pre-Plenary Budget Hearing para sa state universities and colleges (SUCs), binigyang-diin ni Leviste, na Vice Chair ng House Committee on Appropriations, ang kahalagahan ng dagdag na pondo upang masuportahan ang mga estudyanteng Pilipino na nagnanais makapagtapos ng kolehiyo.
Target ng mga mambabatas na matugunan ang P12.3 bilyong kakulangan sa implementasyon ng batas. Ayon kay Appropriations Chair Mika Suansing, kukunin ang P7.82 bilyon mula sa Higher Education Development Fund ng CHED at ang karagdagang P4.49 bilyon ay manggagaling sa iba pang congressional sources.
Kasabay nito, sinabi ni Senator Loren Legarda, Chair ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, na kailangang ituwid ang maling batayan ng DBM sa paggamit ng prior year’s actual enrollment imbes na projected enrollment na nakasaad sa batas.
“I welcome the House’s commitment to source P7.82 billion from CHED’s Higher Education Development Fund and P4.49 billion from other available sources. But beyond plugging past gaps, we must fix the formula itself,” diin ni Sen. Legarda.
Ayon kay PASUC President Dr. Tirso Ronquillo, tinatayang 200,000 kwalipikadong estudyante ang hindi nakapasok sa SUCs dahil sa limitadong pondo.
Binigyang-diin ni Sen. Legarda ang kanilang koordinasyon kay Sen. Win Gatchalian at iba pang mambabatas upang tiyakin na ang 2026 National Expenditure Program ay malinaw na makapagtutuwid sa pagkukulang at magbibigay ng sapat na pondo batay sa projected enrollment ng SUCs.
Ang pagtutulak na ito ay bahagi ng lumalakas na panawagan ng Kongreso at Senado para gawing mas accessible, transparent, at accountable ang libreng kolehiyo para sa mas maraming kabataang Pilipino.
