Nangako si Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co na babalik siya sa bansa sa kabila ng umano’y panghuhusga mula sa publiko at mismo sa Tanggapan ni House Speaker Faustino Dy III.
Sa isang dalawang-pahinang liham na ipinadala sa Speaker’s Office, tugon ito ni Co sa kautusan ni Dy na bawiin ang kanyang travel clearance at pagbabalikin siya sa Pilipinas sa loob ng sampung araw, o bago mag-Setyembre 29.
“I have every intention of returning to the Philippines. I am also intent on belying the false claims made against me before the proper forum. Yet, I am very much apprehensive about what awaits me should I return, given that the public and your good office have prejudged me,” ayon kay Co.
Giit ng mambabatas, malinaw ang prejudgment sa biglaang pagbawi ng kanyang clearance nang hindi man lang siya pinapaliwanag.
Dagdag pa niya, ang mga umano’y “false, baseless, and politically-charged statements” laban sa kanya sa Senado, Kamara, at media ay nag-udyok ng galit ng publiko laban sa kanya at sa kanyang pamilya.
Tinanggi rin ni Co ang iba’t ibang akusasyon kabilang ang:
- Siya raw ang nagpasok ng budget insertions “on his own”;
- Ang kanyang eroplano umano ang nagdala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague;
- May kinalaman siya sa fish import allocations para sa diumano’y “ZC Victory Fishing Corporation” (paliwanag niya, ZC ay Zamboanga City, hindi Zaldy Co); at
- Tumanggap siya ng pondo mula sa mga proyekto ng DPWH.
Giit ni Co, ang 2025 General Appropriations Act ay produkto ng bicameral conference at inaprubahan ng parehong Kapulungan, kaya’t hindi aniya siya dapat ituring na nag-isa sa budget insertions.
Bago tapusin ang kanyang liham, umapela ang kongresista: “I hope that, when I return, I would be afforded due process and that you would ensure the safety of my family and me.”
