NANINDIGAN ang Malacañang na walang kinalaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa umano’y anomalya sa flood control projects na ngayon ay iniimbestigahan ng Senado at ng bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure.
Ayon kay Press Officer Undersecretary Claire Castro, “blameless” ang Pangulo dahil siya mismo ang nag-utos ng masusing imbestigasyon matapos mapansin ang mga hindi tugmang ulat sa mga flood control project na idineklarang tapos noong 2024.
“Hindi magkakaroon ng tapang ang Pangulo na mag-utos ng imbestigasyon kung alam niyang may kasalanan siya. Ginawa niya ito dahil tiwala siyang malinis siya at nais niyang malinawan ang lahat,” paliwanag ni Castro.
Lumabas ang pahayag matapos igiit ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa Senate Blue Ribbon Committee na may opisyal mula sa Department of Education na umano’y humingi ng 15% komisyon para sa Office of the Executive Secretary. Mariin naman itong pinabulaanan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
“Hindi totoo ang bintang na nakasaad sa sinumpaang salaysay ni Undersecretary Bernardo hinggil sa umano’y ‘agreed 15% commitment’ para sa aming opisina,” diin ni Bersamin.
Kaugnay ng usapin ng command responsibility, nilinaw ni Castro na dumaan sa pagsusuri ng economic team ng Gabinete ang General Appropriations Bill bago nilagdaan ni Marcos, at nagtiwala ang Pangulo na maisasakatuparan ang mga proyektong nakapaloob dito.
Dagdag pa ni Castro, walang pagtatakip na mangyayari sa isinasagawang imbestigasyon kahit pa kamag-anak o ang Pangulo mismo ang madawit.
“Siya mismo ang nag-umpisa ng imbestigasyon. Huwag nating kalimutan na galing mismo sa Pangulo ang utos para busisiin ang mga proyektong ito,” aniya.
Itinatag ni Marcos ang Independent Commission for Infrastructure upang masusing silipin ang flood control projects at iba pang imprastrukturang pinopondohan ng pamahalaan.
