Nagpapatuloy ang pangamba at espekulasyon hinggil sa kinasasangkutan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa matapos hindi na muling makadalo sa trabaho sa Senado mula noong Nobyembre 11, kasunod ng mga ulat na umano’y may inilabas nang arrest warrant laban sa kanya ang International Criminal Court (ICC).
Ayon sa youth group na Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK), hindi katanggap-tanggap na magpatuloy ang ganitong klase ng pagliban mula sa isang halal na opisyal na binabayaran ng taumbayan.
Sa kanilang pahayag, iginiit ng SPARK na dapat nang ikonsidera ng Senado ang pagsasampa ng parusa laban kay Dela Rosa dahil sa hindi pagdalo sa plenaryo at kabiguang ipagtanggol ang 2026 budget ng mga ahensyang sakop ng kanyang komite.
“It is unbecoming of a public servant to not attend plenary sessions and defend his committee’s budget,” ayon sa grupo.
Dahil sa prolonged absence ni Dela Rosa, si Sen. Sherwin Gatchalian ang napilitang umako sa pagdepensa ng 2026 budget ng Department of National Defense at Philippine Drug Enforcement Agency — mga ahensyang dapat sanang pinangungunahan ni Dela Rosa bilang committee chair.
Binatikos din ng SPARK ang patuloy na pagtanggap ni Dela Rosa ng sweldo mula sa kaban ng bayan habang hindi naman pumapasok sa trabaho.
“If a worker does not show up to work, they get no pay… Meanwhile, senators such as Dela Rosa continue to receive wages from people’s taxes despite not showing up at work,” dagdag ng grupo.
Hinamon ng SPARK si Senate President Vicente Sotto III na pangunahan ang pagsasampa ng ethics complaint laban kay Dela Rosa sa halip na basta na lamang maglabas ng pahayag sa social media.
“We challenge Senate President Sotto… you should lead in filing an ethics complaint against Dela Rosa,” sabi ng grupo, na inakusahan ang senador na tila nagdeklara ng “indefinite leave” nang hindi nagpapaalam.
Si Dela Rosa, na naging PNP chief sa ilalim ng administrasyong Duterte, ay dati nang umamin na sinunod lamang niya ang mga utos ng dating Pangulo hinggil sa marahas na kampanya kontra droga na nagresulta sa libo-libong patayan.
Si dating Pangulong Rodrigo Duterte naman ay kasalukuyang nasa kustodiya sa The Hague sa Netherlands habang hinihintay ang paglilitis sa kasong crimes against humanity, bahaging may kinalaman sa drug war na pinangunahan ni Dela Rosa.
