Opisyal nang magkakaroon ng “dream team-up” ang Meralco Bolts matapos kumpirmahin na maglalaro na si Justin Brownlee kasama si Rondae Hollis-Jefferson (RHJ) sa kanilang EASL Home and Away Season 3 rematch kontra Macau Black Bears ngayong Sabado sa Ilagan, Isabela.
Kinumpirma ng East Asia Super League (EASL) ang balita nitong Martes, sabay pahayag na muling lalakas ang Bolts sa pagpasok ng Gilas star.
“Four days from now, the rematch tips off – and this time, the Bolts are recharged by the EASL debut of Justin Brownlee,” ayon sa opisyal na anunsyo ng liga.
Ayon kay Meralco team manager Paolo Trillo, handa nang sumabak si Brownlee matapos ma-miss ang unang apat na laro ng Bolts sa EASL dahil sa iniindang sakit. Nagbigay din ang koponan ng pahinga sa 37-anyos matapos nitong maglaro back-to-back para sa Gilas Pilipinas kontra Guam sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Inaasahang makakasama ni Brownlee ang Bolts sa isa o dalawang praktis bago ang Dec. 6 showdown laban sa Black Bears sa ilalim ni coach Nenad Vucinic.
Matatandaang tinalo ng Meralco ang Macau, 92-74, noong Nobyembre 15 sa Cebu Coliseum kahit wala si Brownlee. Sa naturang laro, sumalang si Ange Kouame, kasama sina Hollis-Jefferson, import Ismael Romero, at Asian reinforcement Sina Vahedi.
Kumpirma rin ni Trillo na si Vahedi ay babalik na rin mula sa kaniyang laban para sa Iran sa World Cup Qualifiers.
Taglay ng Meralco ang 2-2 record, pumapangalawa sa Group B sa likod ng Taoyuan Pauian Pilots (2-1).
Sa pagpasok ni Brownlee, umaasa ang Bolts na mas magiging matatag ang kanilang kampanya sa EASL, lalo pa’t ngayon pa lamang magtatambal ang dalawang power imports — ang high-energy scorer na si Hollis-Jefferson at ang multi-title Gilas hero na si Brownlee. (Ron Tolentino)
