Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na anim na naman na Pilipinong naging biktima ng human trafficking mula Malaysia ang nakabalik sa bansa noong Sabado, Oktubre 24. Ito ay matapos salakayin ng mga awtoridad doon ang kanilang pinagtatrabahuhan na nagpapanggap bilang online investment at customer service center, ngunit sangkot pala sa mga illegal online scamming activity.
Ayon sa panayam ng BI Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), binubuo ang grupo ng limang lalaki na may edad 28 hanggang 33, at isang 37-anyos na babae. Nanggaling ang mga biktima sa Kuantan at Kota Kinabalu, Malaysia.
Inamin ng anim na nirekrut sila para magtrabaho bilang customer service representatives o call center agents na may pangakong suweldo na $1,000 hanggang $1,200 kada buwan. Subalit sa halip na totoong customer service work, pinuwersa silang mag-operate ng mga online gambling scam. Ang ilan sa kanila ay hindi man lang nakatanggap ng suweldo, habang ang iba naman ay kinumpiska ang mga pasaporte.
Nagsimula umano ang recruitment sa pamamagitan ng mga kaakit-akit na job ads sa Facebook at Telegram. Pagkatapos nito, kinontak sila ng mga facilitator—na pawang mga Pilipino, Tsino, at Malaysian—upang tulungan silang makalabas ng Pilipinas at makapasok ng Malaysia.
Lumalabas sa records ng BI na ang ilan sa kanila ay dati nang naharang o nag-fail na makalabas ng bansa, samantalang ang iba naman ay first-time travelers.
Nabatid din sa imbestigasyon ng I-PROBES na limang biktima ang dumaan sa tinatawag na “backdoor route” mula Zamboanga at Tawi-Tawi patungong Sabah, Malaysia upang iwasan ang regular na immigration procedures sa bansa.
Bukod dito, nakita ng BI Anti-Fraud Section (AFS) na apat sa mga nakauwing Pilipino ang may hawak na totoong pasaporte ngunit may mga pekeng departure stamp.
Nagbabala naman ang Bureau laban sa paggamit ng backdoor routes at pekeng stamps na ginagamit ng mga trafficker upang mag-exploit ng mga Pilipino sa ibang bansa.
“Do not be lured by promises of high salaries into jobs that could put your life and freedom at risk. Criminal groups use attractive job offers to deceive Filipinos, bring them abroad through irregular channels, and force them into illegal activities. We will not allow these schemes to turn our country’s borders into a passage for exploitation. The Bureau will go after those who facilitate illegal departures and use fraudulent travel documents to send Filipinos into harm’s way,” pahayag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Ipinasa na ang anim na repatriates sa NAIA Task Force Against Trafficking (NAIATFAT) para sa karagdagang tulong at mas malalim na imbestigasyon sa mga recruiter at facilitators ng kanilang biyahe.
Muling pinanindigan ng BI ang commitment nitong higpitan ang border controls at makipagtulungan sa iba pang mga ahensya upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa mga ganitong ilegal na recruitment at human trafficking scheme.
