Nagsumite ng pinakamababang bid ang Mariveles Power Gen Corp. (MPGC), Sual Power Inc. (SPI), at GNPower Mariveles Energy Center (GMEC) para sa 600-megawatt (MW) baseload supply requirement ng Manila Electric Company (Meralco) sa pamamagitan ng Competitive Selection Process (CSP).
Sa ginanap na Bid Opening noong Setyembre 1, inihayag ng Meralco Bids and Awards Committee for Power Supply Agreements (BAC-PSA) ang mga nanalong alok upang mabuo ang kabuuang 600-MW kinakailangang kuryente.
Nag-alok ang MPGC ng P5.3573 kada kilowatt-hour (kWh) para sa 200 MW capacity, habang ang SPI naman ay nagsumite ng P5.4357 kada kWh para rin sa 200 MW.
Samantala, binawasan ng GMEC ang orihinal nitong alok na 600 MW tungo sa 200 MW capacity sa halagang P5.5789 kada kWh upang makumpleto ang buong pangangailangan sa supply.
Kasama rin sa mga nagsumite ng bid ang Masinloc Power Co. Ltd. (P5.6290/kWh para sa 200 MW) at Therma Luzon Inc. (P5.6988/kWh para sa 194 MW). Lahat ng alok ay may kabilang na Value-Added Tax (VAT) at capped line rental charge.
Maliban sa Energy Development Corp., lahat ng iba pang nakuha na bid ay mas mababa sa itinakdang reserve price ng CSP.
Anim sa siyam na nagpahiwatig ng interes na bidders ang opisyal na nagpasa ng kanilang qualification documents, technical proposals, at bid prices sa Bid Submission Deadline.
“Ganap na tumalima ang Meralco BAC-PSA sa mandato nitong magsagawa ng isang bukas at transparent na pampublikong pag-bid upang makamit ang pinakamababang halaga ng kuryente alinsunod sa mga panuntunan ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC),” pahayag ni Meralco BAC-PSA Chairman Lawrence S. Fernandez.
Sinaksihan ng mga tagamasid kabilang ang mga consumer group at kinatawan ng Philippine Competition Commission (PCC) ang proseso, habang ipinalabas din ito nang live sa opisyal na YouTube page ng Meralco.
Isasailalim ng BAC-PSA ang mga pinakamagandang bid sa post-qualification evaluation bago isumite ang rekomendasyon sa Meralco Board of Directors para sa pag-aapruba at pag-alok ng Notice of Award.
Isusumite ang bubuuing 15-year Power Supply Agreement (PSA) sa ERC para sa pagsusuri at pinal na pag-apruba.
Nakatakdang simulan ang paghahatid ng unang 300 MW baseload supply sa Pebrero 26, 2028, habang ang natitirang 300 MW naman ay magsisimula sa Pebrero 26, 2029.
