TULUY-TULOY NA PAGPAPANUMBALIK NG SERBISYO NG KURYENTE. Makikita sa larawan ang mga crew ng Meralco na nagsasagawa ng power restoration activity sa Dasmariñas, Cavite noong Nob. 9, 2025 matapos ang malakas na hangin at ulan dala ng Super Typhoon Uwan.
Tinitiyak ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga consumer nito na nakahanda ang kanilang mga tauhan na umaksyon sa anumang brownout na idudulot ng malalakas na ulang dala ng southwest monsoon o Habagat.
“Patuloy naming binabantayan ang sitwasyon at nakahanda ang aming mga crew na umalalay sa anumang problema sa supply ng kuryente sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng masamang panahon,” pahayag ni Joe R. Zaldarriaga, Meralco Vice President at Head of Corporate Communications.
Nagsagawa na ang Meralco ng mga kinakailangang hakbang upang mabawasan ang epekto ng habagat, kabilang ang paglalabas ng mga advisories para sa appropriate precautionary measures.
Ayon pa kay Zaldarriaga, muli nilang pinalalahanan ang mga may-ari at operator ng billboard na pansamantalang itupi ang mga ito upang maiwasang maitumba ng malalakas na hangin.
Upang matiyak ang kaligtasan sa gitna ng baha at masamang panahon, naglabas ang Meralco ng mga sumusunod na gabay:
- Layuan ang mga bumagsak na linya ng kuryente o pasilidad na nabasa o nalubog sa baha.
- Patayin ang main switch o circuit breaker. Tiyaking tuyo ang mga kamay at paa bago humawak sa anumang gamit sa kuryente.
- Hugutin ang lahat ng nakasaksak na kasangkapan at patayin ang mga nakakabit na kagamitan. Kung maaari, alisin din ang mga bombilya.
- Linisin ang putik at dumi sa mga kagamitang pangkuryente gamit ang guwantes na goma at sapatos na may suplay na goma.
- Tiyaking tuyong-tuyo ang lahat ng wire, saksakan, at kagamitan bago gamitin muli.
- Magpasiyasat sa isang lisensyadong elektrisyan bago muling buksan ang mga pampublikong pasilidad at linya ng kuryente. Huwag na huwag gagamit ng kagamitang nasira ng baha.
Hinimok din ni Zaldarriaga ang publiko na panatilihing nakakarga at handa ang mga mobile phone, laptop, radyo, at iba pang kagamitan sa komunikasyon. Maaari ring makinig sa mga pampublikong istasyon ng radyo sakaling magkaroon ng kawalan ng kuryente.
Para sa mga ulat at concern sa serbisyo ng kuryente, maaaring makipag-ugnayan sa official Facebook page ng Meralco (www.facebook.com/meralco), X (@meralco), mag-text sa 0920-9716211 at 0917-5516211, o tumawag sa Meralco Hotline 16211.
