Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) sa publiko na handa ito 24/7 upang tugunan ang anumang posibleng aberya sa serbisyo ng kuryente ngayong holiday break, kabilang na sa mismong Araw ng Pasko.
Ayon sa Meralco, mananatiling naka-standby ang kanilang mga crew at personnel upang masigurong tuloy-tuloy ang suplay ng kuryente sa mahigit 8 milyong kostumer at maging ligtas, maliwanag, at walang abalang pagdiriwang ng Kapaskuhan.
“Hinihikayat namin ang aming mga kostumer na makiisa sa pagpapanatili ng ligtas at masayang holiday season sa pamamagitan ng pagsunod sa electrical safety practices. Makakaasa ang publiko na may nakahandang contingency measures at handa ang aming mga crew na tumugon sa anumang isyu sa serbisyo ng kuryente,” pahayag ni Joe R. Zaldarriaga, Meralco Vice President at Head of Corporate Communications.
Kasabay nito, nagpaalala ang Meralco ng ilang mahahalagang paalala sa kaligtasan ngayong Kapaskuhan, kabilang ang:
Pag-unplug ng Christmas lights at appliances kapag hindi ginagamit, lalo na bago matulog o umalis ng bahay;
Masusing pag-inspeksyon sa mga Christmas lights bago muling gamitin upang maiwasan ang cracked, frayed, o sirang kable na maaaring magdulot ng sunog;
Pag-iwas sa paggamit ng pako at thumb tacks sa paglalagay ng ilaw dahil maaari itong makasira ng wire—gumamit sa halip ng mga light hanger na mabibili sa hardware stores;
Hindi paggamit ng “octopus” connection o pagsasaksak ng maraming extension cords sa iisang outlet, na karaniwang sanhi ng sunog; at
Pagkakaroon ng maayos at gumaganang fire extinguisher sa bahay bilang paghahanda sa anumang emergency.
Bagama’t sarado ang mga Meralco Business Center sa Bisperas ng Pasko (Disyembre 24) at Araw ng Pasko (Disyembre 25), maaari pa ring mag-report ng mga concern sa serbisyo ng kuryente sa pamamagitan ng MyMeralco app at opisyal na social media accounts ng Meralco sa Facebook at X.
Maaari ring mag-text ang mga kostumer sa 0920-9716211 o 0917-5516211, o tumawag sa Meralco Hotline 16211 para sa agarang tulong.
