SHOOT sa selda ang isang senglot na kelot nang makuhanan ng baril at mahigit P.3 milyong halaga ng shabu makaraang magwala sa Malabon City.
Mahaharap sa kasong Alarms and Scandal, paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek na si alyas “Boy”, 46.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Allan Umipig, nirespondehan ng kanyang mga tauhan ang natanggap nilang impormasyon mula sa isang concerned citizens hinggil sa isang lasing na lalaki na nanggugulo at lantaran umanong nagyayabang ng baril sa Blk 7, Lot 3, Phase 3A1, Pampano Outpost, Brgy., Longos dakong alas-2:40 ng madaling araw.
Pagdating ng mga tauhan ng Patrol Base 5 sa lugar, inobserbahan ng mga ito ang isang lalaking nagsisigaw at naghahamon ng away na tumutugma sa inilarawan ng concerned citizen.
Nilapitan nila ang lalaki saka tinangkang awatin subalit, ayaw nitong magpaawat na naging dahilan upang arestuhin na siya ng mga pulis.
Nang kapkapan, nakumpiska sa suspek ang isang kalibre.9mm pistol na may isang magazine na kargado ng pitong bala at isang medium plastic sachet na naglalaman ng humigi’t kumulang 50.41 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P342,788.
Nang hanapan ng kaukulang mga dokumento na nagpapatunay na maari siyang magdala at mag may-ari ng baril ay walang naipakita ang suspek.
Pinuri ni P/BGen. Christopher Dela Cruz, District Director ng Northern Police District ang Malabon CPC para sa kanilang kasipagan at propesyonalismo na binigyang-diin ang matatag nilang dedikasyon at pangako sa kaligtasan ng publiko. (JUVY LUCERO)
