Mananatili sa kustodiya ng Senado ngayong holiday season ang contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya at tatlong dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ayon kay Senate blue ribbon committee chairperson Senator Panfilo “Ping” Lacson.
Ayon kay Lacson, si Discaya at ang mga dating DPWH engineers na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez at Jaypee Mendoza ay patuloy na ikinukulong sa Senado matapos silang i-cite in contempt dahil sa pagtangging makipagtulungan sa imbestigasyon hinggil sa umano’y katiwalian sa mga flood control projects.
Nauugnay si Discaya at ang kanyang asawa na si Sarah Discaya sa multi-bilyong pisong anomalya sa mga proyektong pang-imprastraktura, bunsod ng sinasabing kwestyonableng kontrata ng kanilang mga kumpanya sa gobyerno. Samantala, kabilang naman sa iniimbestigahan ang tatlong DPWH engineers dahil sa umano’y papel nila sa sistema ng kickback sa loob ng ahensya.
Inihayag ni Lacson na naghain ng kahilingan ang apat para sa pansamantalang paglaya o Christmas furlough, subalit mariin niyang inirekomenda kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ito ay tanggihan.
“Iminungkahi ko sa Senate President na hindi pagbigyan ang kanilang Christmas leave, pangunahin dahil sa usapin ng seguridad, lalo’t paulit-ulit na sinasabi nina Ombudsman Jesus Crispin Remulla at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may ilalabas na arrest warrants laban sa kanila bago mag-Pasko,” pahayag ni Lacson.
Dagdag pa ng senador, “Mas tumataas ang panganib ng pagtakas, at wala ring saysay ang pagbibigay ng Christmas furlough kung may nalalapit namang warrant of arrest.”
Pinahintulutan naman ang apat na tumanggap ng dalaw ng kanilang mga pamilya at dumalo sa Misa sa loob ng bakuran ng Senado. “Iyan na ang pinakamaraming maaari naming ibigay batay sa sitwasyon,” ayon kay Lacson.
Sa ilalim ng umiiral na patakaran, maaaring i-cite in contempt ng Kongreso ang mga resource person na hindi nakikipagtulungan sa mga pagdinig. Ang mga ito ay maaaring ikulong “hanggang sa sila ay pumayag na magsumite ng hinihinging dokumento, sumumpa, tumestigo, o malinis ang sarili mula sa contempt.”
Karaniwan namang nagtatakda ng panahon ang mga mambabatas sa pagkakadetine ng resource persons at maaari itong alisin kapag nakita nilang nakikipagtulungan na ang mga ito. Gayunman, ayon sa isang mahalagang desisyon ng Korte Suprema, awtomatikong nagtatapos ang detensyon ng isang resource person sa oras na matapos ang legislative inquiry. (Mina Paderna)
