Opisyal nang kinuha ng San Miguel Beer ang dating University of Kentucky standout na si Marcus Lee bilang import para sa darating na PBA Commissioner’s Cup.
Kinumpirma ni San Miguel Team Manager Gee Abanilla ang pagdating ni Lee nitong Lunes ng umaga, na nagkataon din sa muling pagbabalik sa ensayo ng Beermen matapos ang matagumpay nilang pagdepensa sa titulong Philippine Cup.
Sa taas na 6-foot-11, inaasahang magiging higanteng katuwang ni nine-time MVP June Mar Fajardo ang 31-anyos na si Lee sa frontcourt ng koponan.
Bago tumapak sa professional league, naglaro si Lee ng tatlong season para sa Kentucky Wildcats kung saan nakasama niya ang mga NBA stars na sina Karl Anthony Towns, Julius Randle, Trey Lyles, at Willie Cauley-Stein.
Tinapos naman niya ang kanyang collegiate years sa University of California.
Bagama’t hindi napili sa 2018 NBA Draft, naging makulay ang karera ni Lee sa G-League at sa iba’t ibang bansa gaya ng Italy, Turkey, Puerto Rico, Spain, Australia, at Poland.
Huling naglaro si Lee para sa Cairns Taipans sa NBL Australia bago pumirma sa San Miguel.
Target ng Beermen na muling makuha ang korona sa Commissioner’s Cup, na huli nilang napagwagian noong Season 48 sa tulong ng import na si Bennie Boatwright. Papasok ang San Miguel sa ikalawang komperensya bitbit ang momentum mula sa pagkapanalo laban sa TNT Tropang Giga sa Philippine Cup finals. (RON TOLENTINO)
