Mas matindi at mas malawak na karera ang sasalubong sa mga siklistang lokal at dayuhan sa pagkasa ng Tour of Luzon 2026 mula Abril 29 hanggang Mayo 13.
Sa opisyal na paglulunsad ng kaganapan nitong Lunes sa Meralco Headquarters sa Pasig City, inihayag ng mga organizer na palalawigin ang karera sa 14 na yugto (stages) na may kabuuang distansya na 2,000 kilometro. Higit itong mahaba kumpara sa walong yugto at 1,074.9 kilometro lamang noong nakaraang taon.
Kasabay ng paghaba ng ruta ang paglobo rin ng papremyo na aabot sa higit P12 milyon mula sa dating P7 milyon. Tatanggap ng P2 milyon ang magkakampeon na koponan, habang P1 milyon naman ang iuuwi ng indibidwal na kampeon.
Ayon kay chief organizer Arrey Perez, ang Tour of Luzon ay hindi lamang isang kompetisyon kundi pagpapakita rin ng mayamang pamana at pagkakaisa ng bansa.
Suportado rin ito ni MVP Group of Companies Chairman Manny V. Pangilinan sa pamamagitan ng MPTC, na naglalayong mas mapalakas ang antas ng cycling sa Pilipinas sa pag-imbita ng mas maraming dayuhang kalahok.
Magsisimula ang Stage 1 sa Calatagan, Batangas patungong Tagaytay City. Babagtasin ng mga siklista ang iba’t ibang lalawigan kabilang ang Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at La Union.
Magtatapos ang ika-14 na yugto sa isang matinding akyatan mula Lingayen patungong Baguio City kung saan hihirangin ang magiging kampeon.
Inaasahang 20 koponan na may kabuuang 150 riders ang sasabak ngayong taon.
Inabangan ang pagbabalik ng mga pambato ng Pilipinas gaya nina Jan Paul Morales at Joshua Pascual upang tapatan ang mga dayuhang siklista, kabilang ang defending champion na si Dae Yeong Joo ng South Korea kung muli itong sasali. (RON TOLENTINO)
