Mariing kinondena ng Akbayan Youth ang ginagamit na dahilan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na siya ay “matanda at mahina” na upang iwasan ang pagharap sa hustisya sa International Criminal Court (ICC).
Sa isinagawang kilos-protesta sa Scout Circle kasama ang mga pamilya ng mga biktima at iba pang civil society groups, binigyang-diin ng grupo na ang pagiging “matanda at mahina” ay isang luksuryang hindi kailanman nakamit ng libu-libong kabataang Pilipino na nasawi sa ilalim ng “War on Drugs” ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Khylla Meneses, National Chairperson ng Akbayan Youth, humihingi si Duterte ng awa dahil sa kanyang edad, ngunit hindi umano ito nagpakita ng awa sa mga kabataang pinaslang noong kanyang termino. Binanggit niya bilang halimbawa si Kian delos Santos na pinatay sa edad na 17.
“Si Kian, nagmakaawa dahil may test pa siya kinabukasan, pero hindi siya pinakinggan. Ngayon, si Duterte ang nagmamakaawa gamit ang kanyang katandaan habang tinatakasan ang pananagutan sa ICC. Hindi nagreretiro ang hustisya,” pahayag ni Meneses.
Ipinunto rin ng grupo ang malaking pagkakaiba ng “due process” na tinatamasa ngayon ni Duterte kumpara sa “shortcut justice” na ipinatupad sa mga mahihirap noong siya ay nasa kapangyarihan pa.
Giit nila, sapat ang lakas ng dating pangulo noong iniutos ang mga pagpatay, kaya dapat ay sapat din ang lakas nito na harapin ang kaukulang parusa.
Nagtapos ang protesta sa isang panawagan sa kasalukuyang administrasyon na ganap na makipagtulungan sa ICC.
Ayon sa Akbayan Youth, mananatiling tagapagtanggol ng katotohanan ang mga kabataan upang matiyak na magbabayad ang “mastermind” sa kanyang mga krimen at hindi na ito maulit pa sa hinaharap.
