Matapos ang matagal na pananahimik, inilabas na ni dating congressman Zaldy Co ang kanyang panig, at inakusahan si Pangulo Ferdinand Marcos Jr. at dating Speaker ng Kamara na si Martin Romualdez na nasa likod ng umano’y P100 bilyon na insertions sa 2025 national budget.
Inihayag ni Co ang kanyang pahayag sa isang video na ipinadala ng kanyang opisina ngayong Biyernes, na itinaon pa sa kaarawan ni Romualdez.
Ayon sa kanya, tinawag siya ng Budget Secretary Amenah Pangandaman noong simula ng bicameral conference committee deliberations para sa 2025 budget, at sinabing utos ng Pangulo ang paglalagay ng bilyon-bilyong proyekto sa budget.
Ani Co, maaaring makumpirma ang utos ng Pangulo kay Adrian Bersamin, pinuno ng Presidential Legislative Liaison Office, na noon ay kasama sa pulong kasama si Marcos sa Office of the Executive Secretary.
Matapos ang ilang araw, umano’y inihanda nina Pangandaman at Bersamin ang isang pagpupulong kasama si Co at Romualdez para ibigay sa kanya ang P100 bilyon sa government projects, na nakalagay umano sa isang brown leather bag na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng Pangulo.
“Pagkalipas ng ilang araw, ipinaalam ko kay dating Speaker Martin Romualdez, Secretary Amenah Pangandaman, Undersecretary Adrian Bersamin, at Undersecretary Jojo Cadiz na P50 bilyon na lamang ang dapat ilagay sa program funds dahil malalampasan ng DPWH ang budget ng Department of Education. Sa praktika, hindi dapat mas mataas ang DPWH budget kaysa sa edukasyon,” aniya.
“Kinabukasan, tinawagan ako ni Secretary Amenah at sinabi, ‘Ang mensahe ng Pangulo: isama ito dahil pinangako iyon ni Speaker Martin, at hindi na ito mababago,’” dagdag pa niya.
Ayon kay Co, umalis siya ng Pilipinas noong Hulyo 19 para sa medical check-up sa ibang bansa, ngunit hiniling ni Romualdez na huwag muna siyang umuwi.
“Sumunod ako. Ngunit hindi ko alam na ang sinabi nilang ‘aalagaan ka namin,’ ay nangangahulugang gagamitin nila ako bilang scapegoat sa kanilang anti-corruption campaign. Ako ang ginawang poster boy ng kanilang sariling kasinungalingan,” aniya.
Si Co ay naging pangunahing biktima ng pamahalaan kaugnay sa flood control scandal, na nagbunsod ng pinakamalaking anti-government demonstrations sa bansa sa mga nagdaang taon.
Kilala rin si Co bilang isang beteranong kontratista, at ang kompanyang itinatag niya, Sunwest Construction, ay nakakuha ng bilyon-bilyong proyekto habang siya ay chair ng Appropriations Committee. (Arnold Pajaron Jr)
