Kuha ang larawan mula sa YouTube video ni Slater Young
Inihayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang malawakang paglabag sa kapaligiran sa hillside development na Monterrazas de Cebu matapos ang malawakang imbestigasyon kasunod ng pagbaha at paggalaw ng lupa sa lugar dahil sa Bagyong Tino.
Ayon kay Eddie Llanedo, Assistant Regional Director for Technical Services ng DENR Region 7, natuklasan ng imbestigasyon na mahigit 700 puno ang pinutol sa 140-hektaryang property, isang seryosong paglabag sa Forestry Code at environmental laws ng bansa.
“Sa tree inventory noong Oktubre 2022, may 745 puno sa 140-hektaryang property ng Monterrazas. Ngayon, 11 lamang ang naitala, kaya lumalabag ito sa Section 77 ng Presidential Decree 705 o Forestry Code of the Philippines,” ani Llanedo.
Binanggit niya na ang tree inventory ay isinagawa sa hiling mismo ng Monterrazas bilang bahagi ng aplikasyon nila para sa amended Environmental Compliance Certificate (ECC).
Bukod sa Forestry Code, natuklasan din ng DENR na nilabag ng Monterrazas ang Clean Water Act at Philippine Environmental Impact Statement (EIS) System batay sa joint inspection noong Nob. 6 at 7. Natuklasan din na 10 sa 33 kondisyon ng ECC ang hindi nasunod ng developer.
Dahil dito, naglabas ang Environmental Management Bureau (EMB) ng notice of violation at stoppage order noong Nob. 10. Ayon kay Llanedo, bawat paglabag sa ECC ay may katumbas na PHP50,000 administrative fine, at maaaring may karagdagang parusa sa ilalim ng Forestry Code at Clean Water Act.
Dagdag pa ng DENR, maraming detention ponds sa proyekto, na idinisenyo upang kontrolin ang stormwater runoff, ang nasira o heavily silted, na nagdulot ng hindi kontroladong surface runoff na nagpalala ng pagbaha sa mga komunidad sa paanan ng burol.
“Dahil sa ganitong kondisyon, lumala ang pagbaha sa downhill areas,” ani Llanedo. Binigyang-diin din ng DENR na patuloy nilang iniimbestigahan ang iba pang development projects sa rehiyon para sa posibleng paglabag sa environmental laws.
