NASAWI ang dalawang Grade 12 students na lalaki matapos malunod sa isang talon sa Sitio Upper Tulakin, Barangay Bagong Nayon, Antipolo City nitong hapon ng Nobyembre 13, 2025.
Kinilala ang mga biktima na sina Christian Jade Reynes y Quihano, 21, residente ng Barangay San Andres, Cainta; at Andy Lord Capuz y de Jesus, 17, residente ng Barangay Mayamot, Antipolo City.
Batay sa imbestigasyon ng Antipolo Component City Police Station, nangyari ang insidente bandang alas-2:14 ng hapon matapos maglaro ng basketball ang grupo ng magkakaklase sa Helipad area ng Barangay Bagong Nayon.
Nagpasya umano ang grupo na pumunta sa kalapit na talon upang maligo at magpahinga.
Habang naliligo, dalawa sa kanilang mga kasama ang hindi sinasadyang napunta sa mas malalim na bahagi ng talon, kung saan napakalakas ng agos ng tubig.
Sinubukan silang sagipin ng kanilang mga kaklase ngunit nabigo dahil sa lalim ng tubig at lakas ng agos. Agad namang bumalik ang grupo sa barangay upang humingi ng tulong.
Mabilis na inireport ang pangyayari sa pulis na naka-duty sa barangay at barangay officials, na agad namang nakipag-ugnayan sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Antipolo.
Pagkarating ng impormasyon, agad nagtungo sa lugar ang CDRRMO para magsagawa ng search and rescue operations pero hindi sila nagtagumpay na mahanap ang katawan ng mga biktima.
Pero dakong, alas-8:00 ng gabi, muling nagsagawa ang Philippine Coast Guard–Taytay ng search and retrieval operation sa pangunguna ni CPO William Cadaro. Sa kabila ng limitadong visibility at malakas na agos, matagumpay na naisagawa ang operasyon.
Kapwa natagpuan ang bangkay ng mga biktima pasado alas-9:00 ng gabi.
Ang dalawang bangkay ay agad na dinala sa Rizal Provincial Hospital System – Annex 2 ngunit idineklara ng attending physician na Dead on Arrival (DOA).
Patuloy na iniimbestigahan ng Antipolo City Police Station ang insidente upang matukoy ang eksaktong pangyayari at masiguro na walang foul play na nangyari. (Arnold Pajaron Jr)
