Hindi pa pala sapat ang sunod-sunod na paglagpas sa revenue targets para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos nitong sibakin si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo “Jun” Lumagui Jr. kahit pa maganda ang naging record ng ahensya sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Kinumpirma ng Malacañang na hindi na si Lumagui ang top tax collector ng bansa. Itinalaga ng Pangulo si Finance Undersecretary Charlito Mendoza bilang bagong BIR chief—a returnee na dating namuno sa Revenue Operations Group ng ahensya.
Sinabi ng Palasyo na nilagdaan ng Pangulo ang appointment papers ni Mendoza nitong Miyerkules.
Itinuturing si Lumagui bilang isa sa “pinakamatitibay” na presidential appointees nang umupo si Marcos Jr. noong 2022. Una siyang hinirang na deputy commissioner bago tuluyang italaga bilang BIR commissioner apat na buwan makalipas.
Sa ilalim ni Lumagui, consistent na lumagpas ang BIR sa revenue targets—ang unang beses matapos ang dalawang dekadang pagbagal sa koleksyon.
Bago pa man ang anunsyo ng Palasyo, nagpatupad pa si Lumagui ng malaking reshuffle sa hanay ng mga regional office ng BIR—isang hakbang na nagdulot umano ng tensyon sa ilang opisyal.
Lalo ring naging kapuna-puna ang paglapit ni Lumagui sa First Couple. Asawa niya si Atty. Carmela Esquivas-Lumagui, na itinuturing na isa sa pinaka-pinagkakatiwalaang aide ni First Lady Liza Araneta-Marcos. Ninong at ninang din ng mag-asawang Marcos ang mag-asawang Lumagui.
Bagamat walang opisyal na paliwanag ang Malacañang, hindi maiiwasang iugnay ang biglaang pagsibak kay Lumagui sa tinatawag na “sacred cow’s wish”—mga personalidad umanong ayaw tamaan o mabangga sa nagbabagang flood control corruption scandal.
Mahigit isang linggo bago tanggalin, naghain si Lumagui ng tax evasion complaints laban sa tatlong dating engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza—na may kabuuang ₱1.6 bilyong tax liability.
Ang tatlo ang nasa sentro ngayon ng malakihang flood control scam na yumanig sa gobyerno.
At ayon kay Lumagui, hindi pa tapos ang laban—dahil nakahanda pa raw siyang magsampa ng dagdag na kaso laban sa iba pang personalidad na diumano’y nagkamal ng yaman mula sa maanomalyang flood control projects.
Ilan sa mga pangalang lumulutang sa eskandalo ay si dating House Speaker Martin Romualdez, unang pinsan ng Pangulo at isa sa pinakamakapangyarihang political figures sa bansa.
Walang kumpirmasyon kung ito ang nagpainit sa sitwasyon, ngunit para sa ilang observers, “masyadong sensitibo ang tinatamaan.” Ngayon ang tanong, sinibak ba si Lumagui dahil hindi sapat ang kanyang performance—o dahil sobra ang kanyang tapang?
